DIGITAL REFORM SA SISTEMA NG EDUKASYON, SUPORTADO SA SENADO!

Suportado sa Senado sa pangunguna ni Senador Alan Peter Cayetano ang plano ng gobyerno na gawing mas moderno at digital ang sistema sa edukasyon.

Pero sabi niya, hindi lang dapat sa imprastraktura nakatutok ang mga pagbabago – mas mahalaga pa rin ang paggawa ng mga batas na talagang makakatulong sa mga tao. 

“Three words —  relevance, transformation, and building. It must be part of nation-building. It should be transformative and relevant — ibig sabihin, dama ng mga tao na importante sila,” wika ng senador nitong Lunes, July 28, 2025.

Sinabi ito ni Cayetano matapos ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kung saan sinabi ng Pangulo na gusto niyang magamit pa ang digital tools sa pag-aaral tulad ng pagbibigay ng internet sa lahat ng pampublikong paaralan bago matapos ang taon. 

Ayon sa Pangulo, tapos na ang unang tatlong bahagi ng National Fiber Backbone, mayroon nang 19,000 libreng Wi-Fi sites sa buong bansa, at namigay na ng SIM Card na may libreng internet sa mga estudyante.

Si Cayetano ang principal author ng mga panukalang batas tulad ng E-Governance Act at ang Konektadong Pinoy Act na parehong nagtutulak para sa digital transformation. Naniniwala siyang malaking tulong ang teknolohiya kung tama ang paggamit nito at maayos ang paglalaan sa bawat ahensya ng gobyerno.

“Digitalization is not per se the solution to all of our problems, but it is a tool that, if used effectively and assigned properly to various agencies, can address many of our challenges today,” wika ng senador, na siya ring chair ng Senate Committee on Higher, Technical, and Vocational Education. 

Gusto ni Cayetano na sa E-Governance Act, magagawang mabilis, mas maayos, at mas malinaw ang serbisyo ng gobyerno sa pamamagitan ng digital na paraan. Layunin nito na makinabang ang lahat – mapa-tao o negosyo. 

Layunin naman niya sa Konektadong Pinoy Act na padaliin ang pagpasok ng mas maraming internet providers para bumaba ang presyo at mas maraming pagpipilian, lalo na sa mga estudyante, paaralan, at malalayong lugar.

Pinuri rin ni Cayetano ang pagiging tapat ng Pangulo sa kanyang SONA, lalo na nang aminin nito ang kakulangan sa serbisyo.

“The tone of honesty by starting na itong election na ito ay may problema kasi kulang ang serbisyo… Y’ung mag-start ka lang ng honesty doon, it’s a good sign kasi sa next 3 years, may time ka para baguhin ito,” aniya.  (Ernie Reyes para sa RoadNews)