P142-B BICAM INSERTION SA 2025 NATIONAL BUDGET, KAKALKALIN NINA SOTTO, LACSON

Nanawagan ng imbestigasyon si Minority Floor Leader Vicente Sotto III sa eskandalosong P142 bilyong budget insertions sa 2025 National Budget na isiningit sa bicameral conference committee na itinuturing nitong “malalang pork barrel.”
Suportado din ni Senador Panfilo Lacson ang panawagan ni Sotto dahil taun-taon, lumolobo ang halaga nang inilalaan sa flood control projects at iba pang imprastraktura ngunit patuloy ang pagbaha at pagguho ng lupa sa maraming lugar sa buong bansa.
“Grabe (excessive) is the word. Amendments by the Senate in the past never ran into billions, especially if it involves the DPWH,” ayon kay Sotto sa online report na tumutukoy sa Department of Public Works and Highways.
“It’s scandalous, to say the least. More so when these amendments came from cuts from (Department of Education) and DOH (Department of Health). We will surely look into it and investigate,” giit pa ni Lacson.
Sa interview, sinabi ni Sotto na lubhang nakakaalarma ang pangyayari na gagamitan niya ng mas malakas na pananalita kaysa ‘eskandaloso” kung mayroon pa.
Ipinaliwanag niya na kahit pinapayagan ang project amendments sa proseso ng badyet, partikular kung mapapanatili ang makabuluhang halaga at nailantad – lubhang kakaibang bagay kung isiningit ang bilyong badyet sa panahon ng bicam at hindi sa deliberasyon ng badyet.
“Ngayon bakit ko sinasabi scandalous at excessive… Pagka ganyang billion-billion ng usapan at hindi ninyo nilagay sa budget kundi nilagay ninyo sa bicam, ay teka muna, ibang usapan yan, malalang pork barrel ang tawag yan,” aniya.
Tinutugan ni Sotto, dating senate president, ang lumalakas na panawagan sa imbestigasyon sa sinasabing bicam insertions na ibinulgar ng Vera Files na kanilang nakuha at nailathala ang 103 pahinang dokumento na inilatag ang last-minute amendments.
Napaulat na inilagay ang amendement sa panahon ng bicameral conference committee process na pinangunahan ni Senate President Francis “Chiz” Escudero, na naglaan ng bilyong pondo sa flood control at infrastructure projects—partikular sa Sorsogon, Escudero’s home province, kabilang sa Bulacan, ang bailiwick ng kakampi nitong si Senador Joel Villanueva, at Davao, ang home turf ni Senador Bato dela Rosa.
Binanggit din ni Sotto base sa ulat ng Vera Files, na hinati-hati ang proyekto sa ilang yugto o paketa kaya pinagdududahan ang transparency. Natuklasan pa na umabot sa mahigit ilang daang milyon ang mga proyekto na inulit lang sa listahan ng katulad na proyekto samantalang kapos sa technical description ang ilang detalye ng mga entries.
Kasabay nito, lubhang ikinabahala din ni Lacson ang dambuhalang flood control projects na aabot sa P2 trilyon sa nakalipas na 15 taon ngunit patuloy na nakalubog ang maraming komunidad sa panahon ng bagyo at tag-ulan.
“Isn’t it absurd that the rise of floodwaters in our ‘malas’ country is directly proportional to the increase in the annual budget for the national government’s flood management program?” ayon kay Lacson.
“For 15 years since 2011, the DPWH is supposed to have spent almost 2 trillion pesos, and yet…” aniya.
“Bakit directly proportional ang pagtaas ng flood waters sa pondong nilalaan natin para sa flood control? Parang isang paradox, irony eh, para bang absurd na teka hindi ba dapat bumababa yung flood waters, hindi nagra-rise dahil naglalaan tayo ng mas malaking pondo. Eh bakit directly proportional siya?” tanong niya.
“Parang something is very wrong ‘di ba? Kung di man sa management, baka sa planning, baka sa polisya,” giit pa ni Lacson.
(Ernie Reyes para sa RoadNews)
