‘WHOLE-OF-NATION’ APPROACH VS EDUCATION CRISIS, TUTUKAN SA SENADO

Iginiit ni Senador Bam Aquino ang kahalagahan ng “whole-of-nation” approach upang lutasin ang krisis sa edukasyon kasabay ng paglalatag ng seven-point agenda na may  layunin na iangat ang kalidad ng edukasyon sa Pilipinas.

Sa kanyang kauna-unahang privilege speech bilang chairperson ng Senate Committee on Basic Education, binigyang-diin ni Aquino ang kahalagahan ng mahigpit na koordinasyon ng lahat pangunahing ahensiya ng pamahalaan, pribadong sektor, at advocacy group upang epektibong matugunan ang krisis sa edukasyon.

“Ipaglaban po natin ang karapatan ng kabataang Pilipino na magkaroon ng de-kalidad na edukasyon. Ito ang agenda ng ating komite. Para matugunan ang krisis sa edukasyon, pagsasama-sama, pagkilos, at pagtutulungan ang kailangan ng lahat ng may kinalaman: pribadong sektor, advocacy groups, estudyante at guro mismo, at ang iba’t ibang sangay ng ating gobyerno,” ani Aquino.

“Kasama si Secretary Angara, ang kabuuan ng Department of Education, at ang 10-year basic education roadmap bilang gabay, mas matututukan ang kinakailangang reporma,” dagdag pa niya.

Batay sa mga konsultasyon sa ilang stakeholder at Year 2 report ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2), tinukoy ni Aquino ang mga pangunahing isyung nangangailangan ng agarang pagtutok – nutrisyon, silid-aralan, textbook, connectivity, suporta sa guro, learning gap, at employability.

Para tugunan ang kakulangan sa nutrisyon ng mga mag-aaral, nanawagan si Aquino ng pagsasabatas ng priority bill ng DepEd na mag-aamyenda sa Masustansyang Pagkain para sa Batang Pilipino Act (RA 11037), na kanyang inakda at inisponsor noong 17th Congress, upang mas palakasin ang implementasyon nito at magbigay ng universal feeding para sa Kinder hanggang Grade 3, at targeted feeding para sa Grades 4-6.

Bilang tugon naman sa kakulangan ng 165,000 silid-aralan sa buong bansa, inihain ni Aquino ang Adopt-A-School Act of 2025 at ang Classroom-Building Acceleration Program (CAP) Act, na magbibigay ng karagdagang suporta sa mga inisyatiba ng pamahalaan kapag naisabatas.

“We will exercise our legislative oversight into investigating the gap between the costs for building classrooms. Through our consultations, nalaman po namin na may mga NGO na gumagastos lang ng maliit sa 1 million pesos para makagawa ng classroom, pero bakit sa gobyerno more than double ang presyo ng classroom sa ating bansa, umaabot po ng 2.5 million pesos pataas. Ang tanong, bakit mas mataas ang halaga ng classrooms na gawa ng gobyerno kaysa ng pribadong sektor? At mahalagang malaman natin ang sagot sa tanong na ito para makapagpagawa tayo ng classroom para sa ating mga estudyante,” ani Aquino.

Upang tulungan ang estudyante at guro sa online resources at multimodal learning, nangako si Aquino na makikipagtulungan sa Department of Information and Communications Technology (DICT) para sa ganap na pagpapatupad ng Free Internet Access in Public Spaces Act, na siya ring isinulong.

“I recently met with Secretary (Henry) Aguda who committed to the full implementation of the law by the end of 2025. During last Monday’s SONA, inulit ito ng presidente na priority na ma-connect ang public schools sa internet. Our students and teachers deserve every possible method to access learning materials and should not be burdened by additional costs to access the internet,” wika niya.

Para maresolba naman ang kakulangan ng mga aklat sa mga pampublikong paaralan, naghain si Aquino ng panukalang E-Textbook Para sa Lahat Act, na magtatakda na ilagay sa opisyal na platform o awtoridasong channel ang lahat ng DepEd-approved textbooks para sa basic education nang libre.

“Our students should be able to access the textbooks they need on time, whether in print or over the internet,” giit ni Aquino.

Nangako rin ang senador na tututukan ang problema ng mga gurong natatambakan ng trabaho at kulang sa suweldo pamamagitan ng kanyang panukalang Angat Sweldo Para sa Guro Act, na magbibigay ng karagdagang ₱10,000 buwanang kompensasyon para sa mga guro sa pampublikong paaralan at mga kuwalipikadong non-teaching personnel.

Makikipag-ugnayan din siya sa DepEd upang masolusyunan ang kakulangan ng administrative support para sa mga guro at maisabatas ang mga pagbabago sa Philippine Teachers Professionalization Act upang lumikha ng alternatibong pathways para sa teacher licensure at matiyak ang transparency at kalidad ng proseso.

Dahil sa ulat ukol sa dalawang taon na learning gap ng mga estudyanteng Pilipino, nangakong makikipagtulungan si Aquino sa DepEd para sa tamang pagpapatupad ng K-12 system at pagpapalakas ng National Learning Recovery Program.

“We will continue to hold consultations with teachers, education advocacy groups, and local governments to find the quickest, most effective, and most sustainable solution so that our students can catch up,” sabi pa niya.

Para naman mapataas ang employability ng Senior High School graduates, inihain ni Aquino ang School-to-Employment Program (STEP) Act, na magbibigay kapangyarihan sa mga paaralan na iakma ang kurikulum at i-rebisa ang mga kursong iniaalok base sa hinihingi ng labor market.

Nanawagan din siya sa Senado, Department of Budget and Management, at Kamara na itaas ang pondo para sa edukasyon sa apat na (4) porsyento ng GDP ng bansa, alinsunod sa rekomendasyon ng United Nations at iba pang pandaigdigang institusyon.

“Alam ko po, palapit at palapit na tayo sa numerong ito, baka po for 2026 malampasan natin ang 4 percent of GDP at mabigay natin ang nararapat na pondo para sa edukasyon,” aniya.

Umani ng suporta ang seven-point agenda ni Aquino mula sa mga kapwa mambabatas, na nagpahayag ng kahandaang makipagtulungan para sa mga repormang makatutulong sa kalidad ng edukasyon.

“I want to manifest my full support to the privilege speech of Senator Bam Aquino and I’m very happy that there’s another education champion joining the halls of the Senate,” ani Senador Win Gatchalian, dating chairperson ng Senate Committee on Basic Education.

“Obviously binasa ni Senator Bam all 800 pages para makabuo ng napaka-targeted na rekomendasyon kung paano matutugunan ang krisis sa edukasyon. Masaya akong marinig na handa siyang harapin ang mga isyung ito, at buong suporta kami sa kanya,” dagdag pa niya.

Ipinunto rin ni Senador Kiko Pangilinan ang pagpapalawak ng feeding programs sa mga paaralan sa pamamagitan ng kanyang panukalang Libreng Almusal bill.

“Nais naming hingin ang suporta ng chair ng education committee para sabay naming mapakinggan at maisulong ang Libreng Almusal bill,” ani Pangilinan.

“Just to react to the gentleman from Tarlac saying we cannot do nothing. Let me agree with him 101 percent. My point is we have to do something radical kasi mabigat masyado ang problema,” ani Senador Alan Peter Cayetano.