Bilang Ng Benipisyaryo Ng 4Ps, Doble Na! – DSWD Nagbunyi

Ulat ni Buboi Patriarca para sa RoadNews

SEQUOIA HOTEL, Quezon City | Pumalo na sa 3 milyon ang bilang ng mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) mula sa dating 1.5 milyon, ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) nitong Martes (August 5, 2025).

Binigyang-diin ni Gemma B. Gabuya, Director IV at National Program Manager ng 4Ps, na sa bawat anibersaryo ng programa, kanilang tinitingnan ang pinagsimulan at kung ano na ang narating ngayon. Aniya, layunin ng administrasyong Marcos na maibaba ang poverty incidence sa 9% o single-digit bago matapos ang 2028.

“We would like all our graduates of 4Ps to achieve the level 3” pahayag ni Gabuya. Idinagdag din niya na hangad nilang lahat ng graduates ng 4Ps ay umabot sa “level 3” o ganap na pag-unlad mula sa kahirapan. Sa kasalukuyan, nasa 15.5% pa rin ang poverty incidence sa bansa.

Ayon sa Section 9 ng RA 11310, mahalaga ang convergence o pagtutulungan ng iba’t ibang ahensya. Kabilang dito ang pagbuo ng National Advisory Council (NAC) at ang pagsasama ng mga lokal na pamahalaan (LGUs) sa programa.

Binanggit din ni Gabuya ang Strategic Framework ng NAC, ang “Pugay Tagumpay Relocation,” at 62 RAC Resolutions mula 2020 hanggang 2025. Pinasalamatan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga benepisyaryo at sinabing, “Sila’y hindi sumuko. Sila’y nagtagumpay.”

Upang mas mapalakas ang programa, nanawagan si Gabuya para sa institutionalized convergence, na may PHP900 milyong pondo, mas mahigpit na monitoring, at pinag-isang communication plan.

Sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos ng mga stakeholders, inaasahang mas marami pang pamilya ang aangat mula sa kahirapan sa tulong ng 4Ps.