Ipapatupad ang Alternatibong Paraan ng Pag-aaral sa Cauayan City Dahil sa Power Interruption
Ulat ni Weng Torres para sa RoadNews
Cauayan City, Isabela | Naglabas si Mayor Caesar S. Dy, Jr. ng Executive Order No. 47, Series of 2025, na nag-uutos sa lahat ng pampublikong paaralan sa lungsod na gumamit ng alternatibong paraan ng pag-aaral sa August 06, 2025 (Miyerkules) dahil sa nakatakdang malawakang power interruption. Layon ng kautusang ito na matiyak ang tuloy-tuloy na edukasyon habang inuuna ang kalusugan, kaligtasan, at kaginhawahan ng mga mag-aaral at guro.
Sa halip na face-to-face na klase, ang lahat ng pampublikong paaralan sa Cauayan City ay magpapatupad ng asynchronous, synchronous, modular, o blended learning. Hinihikayat din ang mga pribadong paaralan na sumunod sa parehong patakaran.

Ang desisyon ay ginawa matapos ang abiso mula sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na magkakaroon ng scheduled power interruption sa nasabing araw. Mawawalan ng kuryente ang mga paaralan, na makakaapekto sa paggamit ng electronic materials, internet, at iba pang mahahalagang pasilidad tulad ng bentilasyon at ilaw.
Batay ang kautusan sa Republic Act No. 7160 (Local Government Code), na nagsasaad na tungkulin ng lokal na pamahalaan na pangalagaan ang kapakanan ng mamamayan. Sumangguni rin ito sa Presidential Executive Order No. 66 (2012) at DepEd Order No. 22 (2024), na nagbibigay-bisa sa mga lokal na opisyal na suspindihin o i-adjust ang klase sa gitna ng mga emergency.
Giit ni Mayor Dy na ang hakbang na ito ay para masigurong hindi maantala ang pag-aaral ng mga estudyante habang iniiwasan ang anumang panganib dahil sa kawalan ng kuryente. “Naiintindihan namin ang mga hamon na dala ng power interruption, kaya’t itong alternatibong paraan ng pagtuturo ang solusyon upang tuloy pa rin ang edukasyon,” pahayag niya.
Inatasan ang mga magulang at mag-aaral na makipag-ugnayan sa kani-kanilang paaralan para sa mga detalye ukol sa alternatibong paraan ng pag-aaral na ipatutupad.
Para sa karagdagang impormasyon, maaaring tumawag sa City Mayor’s Office sa numerong (078) 354-9555.
