BUSINESSWOMAN, NALOKO NG “RENTANGAY” SUSPEK; MITSUBISHI XPANDER, HINDI NA NAIBALIK

Ulat ni Buboi Patriarca para sa RoadNews

Rodriguez, Rizal | Isang negosyante ang nawalan ng kanyang Mitsubishi Xpander matapos itong lokohin ng isang babaeng sangkot sa umano’y “rentangay” modus sa Rodriguez, Rizal. Ayon sa ulat ng Rodriguez Municipal Police Station (MPS), ang biktima ay nakipagkasundo sa suspek noong April 2, 2025, kung saan umarkila ang huli ng sasakyan sa halagang P35,000 kada buwan. Nagbayad ang suspek ng 50% down payment ngunit bigong tapusin ang bayad at kusang hindi na isinauli ang sasakyan.

Kinilala ang suspek bilang Charito, 44 taong gulang, negosyante, at residente ng Blk-12, Lot-20, Monte Brisa Phase 1, Brgy. San Jose, Rodriguez, Rizal. Sa kasalukuyan, ito ay at large o hindi pa nahuhuli.

Naghain na ng reklamo ang biktima laban sa suspek para sa estafa at paglabag sa RA 10883 (New Anti-Carnapping Law). Hinihiling ng pulisya ang tulong ng publiko sa pagtukoy sa kinaroroonan ng suspek at ng nawawalang sasakyan.

Ang insidente ay isa na namang paalala sa publiko na mag-ingat sa mga transaksyon, lalo na sa pagpaparenta ng mga sasakyan. Inirerekomenda ng awtoridad ang pag-verify sa pagkakakilanlan ng mga umarkila at pagsasagawa ng background check bago pumayag sa anumang kasunduan.