INSIDENTE SA WPS, KINONDENA NG ILANG SENADOR: ‘DI KAMI MADUDUWAG’

Ni Ernie Reyes

Matinding kinondena sa Senado ng ilang mambabatas ang patuloy na panggigipit ng China sa West Philippine Sea (WPS) na ginigirian ang barko ng Philippine Coast Guard (PCG) malapit sa Bajo de Masinloc na sakop ng Pilipinas.

Sa pangunguna ni Senador Risa Hontiveros, binatikos nito ang China sa paghahasik ng kagipitan at pangangamkam sa WPS kahit sakop ng Pilipinas ang nilalayagan nito kaya’t nagkabanggaan mismo ang dalawa nitong barko.

Ayon kay Hontiveros, dapat nang itigil ng China ang kaharasan sa lugar sa adhikain na maitaboy ang Pilipinas sa sarili nitong karagatan.

“China should stop this violence. Dahil sa gigil nilang itaboy ang mga Pilipino sa sarili nating karagatan, ang mismong mga barko nila —ang Chinese Coast Guard at Chinese Navy— ang nagkabanggaan,” ayon sa senadora.

Sinabi pa ni Hontiveros na pinatutunayan nito na pawang “reckless” ang pagkilos ng  China kaya nalalagay sa panganib ang mismong tauhan ng Beijing kaya’t dapat nitong sipatin ang insidente bilang aral sa kanilang illegal na panghihimasok.

Kasabay nito, nagpugay naman si  Hontiveros sa Philippine Coast Guard sa pagpapatupad ng Safety of Life at Sea (SOLAS). “Kahit binubully na ng Tsina ay nag-alok pa rin ng tulong sa aksidente ng mga Chinese ships. That embodies the true Filipino spirit of honor and integrity.”

“I also continue to call on our government to support our fisher folk to the fullest extent possible, and to allow them continued access to their traditional fishing areas in the Bajo de Masinloc. It is also crucial that we maintain a year-round maritime law enforcement presence to safeguard our fisher folk,” aniya.

“Kahit ano pang panghaharass ng China, hinding-hindi nila maiaalis ang katotohanan na atin ang West Philippine Sea,” giit pa ng senadora.

Kaugnay nito, kinondena din nina Senador Jinggoy Estrada at Joel Villanueva ang insidente sa pagsasabing hindi naduduwag ang Pilipinas sa anumang illegal na pagkilos ng China sa loob mismo ng ating karagatan.

 “These tactics not only endanger our maritime personnel and fisherfolk—they also escalate tensions unnecessarily. Nothing good will come of such actions, except the empty display of logistical superiority,” ani Estrada.

Naunang binomba ng Chinese vessel ang PCG ng water cannon sa WPS habang naghahatid ng tulong sa mangingisda sa Bajo de Masinloc nitong umaga ng Lunes.

“We reiterate to the Chinese Coast Guard and fishing militia: Your continued presence and operation at the West Philippine Sea is illegal and unauthorized. The West Philippine Sea is ours. Get out of Philippine waters!” ayon naman ka Villanueva. 

Ernie Reyes nag-uulat para sa RoadNews