PAGLILIPAT NG P74-B PONDO NG PHILHEALTH SA 2025 GAA, KINUWESTIYON NI LACSON

Ni Ernie Reyes

Bakit pumayag ang mga mambabatas sa pagtanggal sa P74 bilyon para sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) sa 2025 General Appropriations Act (GAA) kung alam nilang ilegal ito?

Ito ang katanungan ni Sen. Panfilo “Ping” M. Lacson matapos idiin na ang pag-realign ng P74 bilyon ay lumabag sa Sin Tax Law, at sa prinsipyong hindi maaaring amyendahan ng general law ang special law.

“(The) GAA is a general law. And the sin tax law is a special law. And any lawyer will tell you, or any member of Congress will tell you that a general law cannot amend a special law. In other words, what the Senate did and what the House did was illegal,” ani Lacson, na tagabantay ng kaban ng bayan, sa kanyang interjection sa privilege speech ni Sen. JV Ejercito tungkol sa Universal Health Care Act.

Tinukoy ni Lacson ang pag-realign ng P74 bilyon sa pondo ng PhilHealth sa ibang items sa 2025 GAA, kung kaya’t zero subsidy ang PhilHealth para sa 2025.

Sa pagtatanong ni Lacson, ibinunyag ni Ejercito na P43 bilyon ang natira sa PhilHealth fund sa Senate version, at tuluyang nawala matapos dumaan sa bicameral conference committee.

Ani Lacson, hindi dapat pinayagan ng Senado at Kamara ito dahil ang GAA na general law ay hindi pwedeng mag-amyenda ng special law tulad ng Sin Tax law, kung saan nakalaan ang P74 bilyon.

“Paano nakalusot ito sa House, may abogado doon? Sa Senate may mga abogado, paano nakalusot na effectively in-amend ng GAA ang special law?” tanong ni Lacson.

Binanggit na ni Lacson noon pa na sa ilalim ng PhilHealth Act as amended at Universal Health Care Act, ang sobrang pondo ng PhilHealth ay gagamitin para pataasin ang benepisyo ng miyembro nito, o kaya ibaba ang premium nila.

Itinutulak din ni Lacson ang pakikilahok ng publiko sa budget process, kabilang ang bicameral conference committee. Naghain na siya ng panukala para rito.

Ernie Reyes nag-uulat para sa RoadNews