Cayetano sa PAGCOR: Pagbabawal ng LGUs sa online gambling, dapat payagan
Ni Ernie Reyes
Kinalampag ni Senador Alan Peter Cayetano ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na payagan ang lahat local government unit (LGU) na ipagbawal ang online gambling sa kanilang nasasakupan.
Sa pahayag, sinabi ni Cayetano, chairman ng Senate Committee on Banks, Financial Institutions, and Currencies, na dapat payagan ng PAGCOR ang alinmang LGUs na ayaw sa online gambling sa kanilang lugar.
“Sa physical casinos, pwedeng mag-opt out ang mga city eh. Pero sa online, y’un ang problema namin,” pahayag ni Cayetano, na kabiyak ng alkalde ng Taguig na si Mayor Lani Cayetano.

Iginit ng senador na may lungsod tulad ng Taguig na mahigpit na ipinagbabawal ang sugalan, pero dahil legal ang online gambling ay nakakapusta pa rin tuloy ang mga tao, kahit nasa loob pa ng paaralan o simbahan.
“[Pwedeng] nag-CR lang y’ung estudyante, gumagamit na pala siya ng cellphone [at tumaya],” aniya.
“Sa church, pwedeng nagpe-praise the Lord kami, y’un pala y’ung katabi namin tumama na pala sa bingo,” dagdag niya.
Hinimok niya ang Department of Information and Communications Technology na maghanap ng mekanismo para ma-block ang online gambling sa mga LGU na ayaw nito.
Binanggit ni Cayetano ang Taguig City, kung saan 1990s pa lang ay ipinagbawal na ang lahat ng uri ng sugal. Aniya, ultimo “sakla” sa mga lamay ay bawal, dahil sinasagot naman DSWD at LGU ang gastos sa libing.
“This is part kasi of teaching young people to work hard and have the right values, and that every single peso that God gives them is to be managed well,” ani Cayetano.
Ano pa aniya ang silbi ng paglalagay ng distansya sa pagitan ng mga pasugalan at mga paaralan o simbahan sa ilalim ng batas, kung pinapayagan naman ang online gambling na bukas 24/7?
“Makikita n’ung bata na y’ung kara krus ay hinuhuli, pero y’ung kahit anong online gambling, pwede?” diin niya.
Sagot naman ni PAGCOR Chairman Alejandro Tengco, pinag-aaralan nilang limitahan sa mga “designated stations” ang pagtaya imbes na sa cellphone.
Ernie Reyes nag-uulat para sa RoadNews
