BATAS VS ILLEGAL ONLINE GAMBLING, HIHIGPITAN NI GATCHALIAN
Ni Ernie Reyes
Desidido si Senator Sherwin Gatchalian na burahin sa mapa ng kamalayan ng mamamayan ang illegal online gambling matapos tiyakin na maghahain ng isang panukalang batas upang higpitan ang batas laban dito.
Sa pahayag, sinabi ni Gatchalian na mahalaga na magkaroon ng mas mahigpit na batas laban sa online gambling upang tuluyang mapuksa ang ilegal na operasyon o ‘undergound operations’ at protektahan ang mamamayan laban sa panganib nito.
Binigyang-diin ni Gatchalian na posibleng hindi sapat ang pagba-ban sa online gambling.
Bilang halimbawa, binanggit niya ang e-sabong, na bagama’t ipinagbawal na ng gobyerno ay patuloy pa ring lumalaganap.

“Panahon na para magkaroon ng mas mahigpit na regulasyon na may tunay na ngipin. Ang pagbabawal lamang ay maaaring hindi sapat. Posibleng lumipat lamang sa ilegal na operasyon ang mga online gambling operator, na lalong magpapahirap sa mga awtoridad na kontrolin ang kanilang mga gawain at maglalagay sa mas matinding panganib sa mga Pilipino, lalo na sa kabataan,” sabi ni Gatchalian.
Nauna nang naghain ang mambabatas ng isang panukalang batas na naglalayong magtakda ng mas mahigpit na regulasyon sa online gambling upang masugpo ang tumitinding pagkalulong ng maraming Pilipino dito.
Ang bisyong ito ay nagdudulot ng iba’t ibang suliraning panlipunan tulad ng pagdami ng krimen at mga isyu sa mental health.
“Kailangan nating mas higpitan pa ang mga regulasyon sa online gambling dahil padami nang padami ang mga Pilipino na nalululong dito at dumadami din ang mga buhay at pangarap na nasisira dahil dito,” dagdag niya.
Ernie Reyes nag-uulat para sa RoadNews
