Mayor JC Dy Jr. nagdonate ng Cellphone Para Palakasin ang Police Response sa Cauayan City

Ni Weng Torres

CAUAYAN CITY – Bilang suporta sa 5-Minute Response Time Program ng Philippine National Police (PNP), nagbigay ng 12 cellphone si Mayor Caesar “JC” Dy Jr. sa Cauayan City Police Station upang mapabilis ang komunikasyon at koordinasyon ng mga pulis.

Ang donasyon ay pormal na tinanggap ni PCol. Lee Allen B. Bauding, Provincial Director ng Isabela, kasama ni PLtCol. Ernesto DC Nebalasca Jr., Chief of Police ng Cauayan City. Inaasahang malaki ang maitutulong ng mga bagong gadget para sa mas mabilis at episyenteng pagtugon ng mga awtoridad sa anumang emergency.

Binigyang-diin ni Mayor Dy ang kahalagahan ng maayos na kagamitan para sa kapulisan. “Kapag mabilis ang komunikasyon, mas mabilis din ang aksyon ng ating mga pulis. Ito ay para sa kaligtasan ng bawat Cauayeño,” pahayag niya.

Upang ipakita ang bisa ng mga cellphone, nagsagawa ng simulation exercise ang Chief of Police kasama ang mga naka-duty na patroller, na personal na pinanonood ni Mayor Dy. Ipinakita sa drill kung paano makakatulong ang mga bagong kagamitan para sa agarang pagresponde sa mga tawag ng tulong.

Ang hakbang na ito ay bahagi ng patuloy na adhikain ng lokal na pamahalaan na paigtingin ang seguridad at serbisyo publiko sa lungsod.