P55B idadagdag sa DepEd para umabot sa 4% ng GDP pondo sa edukasyon
Ni Ernie Reyes

Bagama’t naglaan ang 2026 National Expenditure Program (NEP) ng P1.224 trilyong pondo para sa edukasyon, tiniyak ni Senador Win Gatchalian na kinakailangan pa ng karagdagang P55 bilyon upang matiyak na ang pondo sa edukasyon para sa susunod na taon ay nasa 4% ng Gross Domestic Product (GDP).
Nagsisilbing pandaigdigang pamantayan ang 4% na GDP, na siyang inirekomenda ng UNESCO sa ilalim ng Education 2030 Incheon Declaration, upang matiyak na ang mga bansa ay naglalaan ng sapat na pondo para sa edukasyon.
“Pagsisikapan nating tugunan ang kakulangan sa pondo ng edukasyon upang mas marami pa tayong matulungan mga mag-aaral man o guro,” pagtitiyak ni Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Finance.
Inanunsyo kamakailan ng Department of Budget and Management (DBM) na umabot na sa 4% ng GDP ang pondo ng edukasyon para sa susunod na taon.
Ngunit batay sa pagsasaliksik at pagsusuri ng tanggapan ng senador, aabot lamang sa P1.178 trilyon ang pondo para sa naturang sektor, katumbas ng 3.8% ng inaasahang GDP para sa 2026.
Aniya, isinama kasi ng DBM sa kompyutasyon ang indibidwal na pension contributions ng mga empleyado ng sektor na nagkakahalaga ng ₱46.045 bilyon, na hindi dapat isinama sa kompyutasyon, batay sa UNESCO guidelines, dahil hindi naman ito itinuturing na government spending.
Pero tila isinama ito ng DBM sa kanilang kompyutasyon para umabot sa 4% ang pigura, ayon kay Gatchalian.
