Fajardo, Tinapon sa Eastern Mindanao Command
MANILA – Muling sumailalim sa mahahalagang pagbabago ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) kasunod ng pinakabagong reshuffle na inaprubahan ng National Police Commission (NAPOLCOM). Kabilang sa mga pinalitan ay si Police Brigadier General Jean Fajardo, ang dating tagapagsalita ng PNP, na inilipat sa Area Police Command, Eastern Mindanao.
Ayon sa isang Special Order mula sa NAPOLCOM, ang paglilipat kay Fajardo ay bahagi ng mas malawakang restructuring sa ilalim ng bagong PNP Acting Chief, Police Lieutenant General Jose Melencio Nartatez Jr. Si Fajardo ay hinango sa kanyang puwesto bilang tagapagsalita ng PNP dahil ang kanyang pangunahing posisyon ay nasa Directorate for Comptrollership, na hindi na itinuturing na naaayon sa tungkulin ng isang spokesperson.

Ang posisyon ng tagapagsalita ng PNP ay dapat na nakapaloob sa Public Information Office, na sa kasalukuyan ay pinamumunuan ni Police Brigadier General Randulf Tuaño. Pinalitan naman ni Police Major General Westrimundo Obinque, isang kaklase ni Nartatez sa Philippine Military Academy Class of 1992, si Fajardo bilang pinuno ng Directorate for Comptrollership.
Ang paglilipat na ito ay isa lamang sa mga pagbabago sa pamumuno ng PNP, kabilang ang pagtatalaga ng mga bagong opisyal sa mga pangunahing posisyon.
Darwell Baldos nag-uulat para sa RoadNews
