ICI KINONDENA ANG MALAWAKANG PAGSIRA AT PAGMANIPULA SA MGA OPISYAL NA DOKUMENTO NG MGA TAUHAN NG DPWH
Nananawagan ang Independent Commission for Infrastructure o ICI sa lahat ng kawani at opisyal ng Department of Public Works and Highways na makipagtulungan at pangalagaan ang integridad ng mga dokumento kaugnay sa mga proyektong flood control.
Ayon sa pahayag ng Komisyon, ang mga gawaing ito ay hindi lamang isang malinaw na hadlang sa mga patuloy na imbestigasyon kundi isang direktang atake sa karapatan ng publiko sa transparency at accountability.

Giit pa nito, ang sinasadyang pagtatago o pagbabago ng mga rekord ay sumisira sa rule of law at nagpapahina ng tiwala ng taumbayan sa mga institusyon ng gobyerno.
Pinapaalala ng ICI na ang lahat ng rekord na may kaugnayan sa public works ay ari-ng-publiko. Anumang pagtatangkang sirain, pekein, o itago ang mga ito ay isang malubhang pagkakasala na may kaakibat na administratibo at kriminal na pananagutan.
Naninindigan ang Komisyon sa mandato nitong alamin ang katotohanan sa mga anomalyang proyekto at tiyaking mananagot ang mga may sala.
Ito ang ipinahayag ni dating Hukom at ngayo’y Chairman ng ICI, Retired Justice Andres Reyes Jr. sa isang Press Release.
RoadNews Investigative Team
