Sotto dumalo sa unang LEDAC meeting ng 20th Congress sa Palasyo

Dumalo si Senate President Vicente “Tito” Sotto III sa unang pagpupulong ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) para sa ika-20 Kongreso sa Malacañang Palace na pinangunahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.,

Kasama dito si House Speaker Faustino “Bodjie” Dy III at iba pang mga opisyal ng Gabinete at dalawang Kapulungan ng Kongreso.

Tinalakay sa pagpupulong ang mga prayoridad na panukalang batas ng Senado, Kamara, at ng Ehekutibo, gayundin ang pag-adopt ng Common Legislative Agenda na ipinrisinta ni Secretary Arsenio Balicasan  ng Department of Economy, Planning and Development (DEPDEV) na tumatayong LEDAC Secretariat.

Kabilang sa mga pangunahing tinutukan ang pagpapabuti ng serbisyong pangkalusugan at edukasyon, pagtataguyod ng inklusibong agrikultura at kabuhayan, pagpapalakas ng sektor ng enerhiya, at pagsusulong ng mga reporma sa pamahalaan, digital systems, at pinansyal na sistema upang mas mapaigting ang ekonomiya at makapaghatid ng mas mabilis at epektibong serbisyo publiko.

“Ang mga prayoridad na ito ay para matugunan ang pangangailangan ng tao at maabot ang pangmatagalang layunin ng bansa,” pahayag ni Sotto.

Dumalo rin sina Senate Majority Leader Juan Miguel F. Zubiri at Senator Sherwin Gatchalian.

Nananatiling pinakamataas na consultative at advisory body ng Pangulo ang LEDAC sa larangan ng socio-economic development, na nagbibigay-daan sa mas matibay na koordinasyon sa pagitan ng Ehekutibo at ng Lehislatura. Ernie Reyes nag-uulat para sa RoadNews