Kasado sa Senado: GMRC ibabalik sa digital platforms vs indecent content

Ni Ernie Reyes

Naniniwala si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na pinakamabisang depensa ng Pilipino laban sa masama at delikadong online content ang pagtuturo ng tamang pagpapahalaga at asal dahil mahirap nang kontrolin ng gobyerno ang mabilis na pagbabago ng digital platforms.

Sa pagdinig ng Senado para sa 2026 budget ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) nitong September 30, 2025, inamin ng mga opisyal na wala silang hurisdiksyon sa streaming services gaya ng YouTube at Netflix, at nakatuon na lamang sa mga information drive sa magulang.

“With the widespread use of the internet, the MTRCB’s role in protecting young viewers from indecent content has decreased,” wika ni Cayetano.

Binigyang diin niya na hindi dapat paghihigpit ang sagot dahil limitado lamang ang epekto nito sa mabilis magbago na digital environment.

Mas mahalaga aniya na hubugin ang pag-iisip ng kabataan para matuto silang gumawa ng tamang desisyon sa sarili nila.

“It’s not more of censorship, but more of giving the young people the right ideas and information, and then they can make their own choices later on,” aniya.

Una nang hinimok ni Cayetano ang MTRCB, na inilarawan niya bilang “guardian of values” ng kabataan, na palakasin ang papel nito sa pamamagitan ng pag-aaral kung paano maaaring masaklaw ang online platforms at magtatag ng research arm na tututok sa pagpapanatili ng mga pagpapahalagang Pilipino sa digital content.

Para gawing institusyonal ang ganitong hakbang, isinusulong ng senador ang Filipino Identity in Values Act, na layong bumuo ng Commission on Filipino Values at Inter-Faith Council para isama ang values formation, tamang asal, at civic responsibility sa mga paaralan, komunidad, at mismong pamahalaan.

“As the nation pursues economic prosperity and modernization, our development must be anchored on our cherished core values,” aniya.  

Ernie Reyes nag-uulat para sa RoadNews