168K mag-aaral hindi nakapag-enroll sa SUCs sa kakapusan ng pondo – Gatchalian
Ni Ernie Reyes
Natuklasan ni Senador Win Gatchalian na mahigit 168,000 na mag-aaral ang hindi nakapag-enroll sa State Universities at Colleges (SUCs) sanhi ng limitadong kapasidad dahil kapos ang pondong inilaan sa sektor.
“Para sa akin, hindi ito makatarungan. Gusto natin silang mag-aral. Pero kahit na pumasa sila sa entrance exam at kulang ng kapasidad ang ating mga SUCs, hindi sila makapag-aral,” ani Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Finance.

Batay sa pagsusuri ng tanggapan ni Gatchalian sa datos na isinumite ng 62 sa 115 na mga SUCs, lumalabas na 32 (52%) ang lagpas na sa kanilang kapasidad, at 11 (18%) naman sa mga 62 SUCs ang umabot na sa 100% ng kanilang kapasidad.
Dahil dito, 168,493 na mga mag-aaral ang napagkaitan ng pagkakataong makapag-enroll bagama’t kwalipikado na silang pumasok sa mga naturang SUCs.
Hinimok naman ni Gatchalian ang mga SUCs na tutukan ang pagpapalawak sa kanilang academic capacities.
Hinimok rin niya ang SUCs na isumite ang pangangailangan capital outlay na nakatuon sa pagpapatayo ng silid-aralan at iba pang pang-akademikong proyekto
“Ang layunin natin ay wala nang mag-aaral na mapagkakaitan ng pagkakataong pumasok sa kolehiyo. Lahat ng pumasa ng entrance exam, makakapag-aral,” dagdag na pahayag ng senador.
Pinuna rin ng senador ang patuloy na pagbaba ng capital outlay ng mga SUCs. Mula P31 bilyon noong 2024, bumaba ito sa P17 bilyon ngayong 2025.
Ernie Reyes nag-uulat para sa RoadNews
