Panibagong P15-B anomalya sa pagtatayo ng Super Health Center ng DOH, NAGING HAUNTED – Gatchalian

ni Ernie Reyes

Nagpahayag ng pangamba si Senador Win Gatchalian hinggil sa halos P15 bilyong halaga ng proyekto ng Department of Health (DOH) na nagsimula noong 2021, ngunit hindi pa natapos o napapakinabangan hanggang ngayon.

Sa pahayag, sinabi ni Gatchalian na kabilang na ang mga tinatawag niyang “haunted” super health centers.

Haunted ang tawag niya sa mga ito dahil may mga nakatayo ngang gusali pero matagal nang hindi nagagamit at walang mga tao.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Finance para sa panukalang 2025 budget ng DOH at attached agencies nito, binanggit ni Gatchalian ang 2024 na ulat ng Commission on Audit (COA), kung saan lumabas na 123 proyekto na nagkakahalaga ng P11.54 bilyon ang hindi natapos sa itinakdang panahon ng kontrata.

Batay naman sa datos ng DOH, sinabi ni Gatchalian na mula sa 1,099 super health centers na planong itayo mula 2021 hanggang 2024, 319 proyekto na nagkakahalaga ng P3 bilyon ang nananatiling hindi pa rin tapos o hindi pa nag-o-operate.

“Hindi natin papayagang maulit ang mga ‘haunted’ super health centers o mga hindi pa natatapos na proyekto. Lahat ng nasa ilalim ng Health Facilities Enhancement Program ay kailangang matapos. Sayang ang pera dahil ang pinag-uusapan natin dito ay P15 bilyon,” ani Gatchalian, na siyang Chairman ng Senate Committee on Finance.

Bilang tugon sa isyu ng mga hindi tapos at hindi gumaganang proyekto ng DOH, iminungkahi ni Gatchalian ang isang counterpart program kung saan magtutulungan ang DOH at mga local government units (LGUs) sa paglalaan ng pondo para sa pagpapatayo at pagpapatakbo ng mga pasilidad na pangkalusugan.  

Ernie Reyes nag-uulat para sa RoadNews