Kiko, NANAWAGAN sa Palasyo na magpalabas ng EO sa floor price ng palay

Ni Ernie Reyes

Hindi lamang magiging parehas kundi magiging kalugod-lugod sa Pilipinong magsasaka kung magpapalabas ng executive order si Pangulong Ferdinand “Bongbong”  Marcos Jr., para magtakda ng floor price sa palay.

Sa pahayag, sinabi ni Pangilinan, chairman ng Senate committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform, na itatakda ito sa pagbili ng gobyerno ng palay at nakasandig sa implementasyon ng  Sagip Saka Act (Republic Act No. 11321), upang mabigyan ng pantay ng kumpetisyon ang magsasaka sa kanilang paghihirap partikular sa harap ng bumabagsak ng presyo ng butil.

“Kapag ang palay ay binili ng walo hanggang sampung piso kada kilo habang ang production cost ay katorse hanggang kinse pesos, kulang ang anumang ayuda para punan ang lugi,” ani Pangilinan.

“Hindi nila kailangan ng abuloy. Kailangan nila ng patas na presyo sa bunga ng kanilang lakas…Kaya ang isa sa matagal na nating panawagan ay floor price, para pumatas naman ang laban ng mga nagpapakain sa atin,” giit ng senador.

Isinagawa ni Pangilinan ang panawagan matapos magreklamo si Danilo Bolos, isang magsasaka mulang Nueva Ecija sa Mababang Kapulungan na hindi kailangan ng magsasaka ang ayuda kundi magtakda ng mas mataas na presyo ng palay.

Ayon kay Bolos sa  House committees on agriculture and food at ways and means na ginagawang timawa at pulubi ng pamahalaan ang magsasaka sa pagbibigay ng ayuda.

“Ang EO ay patunay na ang gobyerno ay nakikinig sa mga alalahanin ng ating mga magsasaka, at pinahahalagahan natin ang kanilang pagsusumikap, ani Pangilinan. 

“Makakahinga nang konti ang ating magpapalay sa floor price. Magkakaroon ng konting proteksyon laban sa mga trader na ginagawang puhunan ang kanilang pagka-desperado. Isa ito sa maraming hakbang para umahon ang ating magpapalay mula sa isang kahig, isang tuka at magkaroon ng masaganang kita,” giit pa ng senador.

Naniniwala si Pangilinan na tatatag ang presyo ng bigas sa mercado kapag may floor price, mabibigyan ng proteksiyon ang magsasaka laban sa pananamantala ng mangangalakal at himukin silang ipagpatuloy ang produksiyon ng bigas, isang kritikal na gawain habang itinataguyod ng bansa ang long-term food security. 

Ernie Reyes nag-uulat para sa RoadNews