ERC kinalampag ni Gatchalian vs paniningil ng NGCP sa di natapos na proyekto

Ni Ernie Reyes

Mistulang kinalampag ni Senador Win Gatchalian ang Energy Regulatory Commission (ERC) na muling pag-aralan ang naunang desisyon na nagpapahintulot sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na maningil ng karagdagang gastos sa transmisyon sa mga consumer para sa mga proyektong hindi pa natatapos.

“Walang insentibo para sa kanila na tapusin ang proyekto kasi nangongolekta na sila. Iyan ang dahilan kung bakit marami tayong nakitang naantalang proyekto na humantong sa brownouts,” sabi ni Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Finance, sa isang pagdinig tungkol sa panukalang pondo ng Department of Energy at attached agencies nito.

Tinutukoy ng senador ang kamakailang desisyon ng ERC hinggil sa naantalang rate reset ng NGCP, na nagpapakita ng under recovery na nagkakahalaga ng ₱28.3 bilyon na ipapasa sa mga konsyumer. “In short, tayo pa ang may utang sa NGCP,” ani Gatchalian.

“Unfair ‘yan sa mga consumers. Hindi ako sang-ayon na magbayad para sa mga proyektong hindi pa nasisimulan o natatapos,” aniya, na idiniing maging ang Pangulo ay pinuna ang NGCP dahil sa naantalang mga proyekto na naging sanhi pa ng brownout sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Sa halip na maparusahan dahil sa naantalang mga proyekto nito, ginantimpalaan pa ang NGCP dahil sa desisyon ng ERC, dagdag ni Gatchalian.  

Ernie Reyes nag-uulat para sa RoadNews