‘VERY IMPORTANT WITNESS’ TATALUPAN sa flood control probe – Lacson

0

ni Ernie Reyes

Kung mahalal muli siya bilang chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, itatakda ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” M. Lacson sa Nobyembre 14 ang susunod na pagdinig ng komite upang talakayin ang mga maanomalyang flood control project.

Ani Lacson, imbitado ang isang “very important witness” upang mapabilis ang paghahain ng matibay na kaso laban sa ilang tiwaling politiko, opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH), at kontraktor.

Dagdag niya, imbitado din sa susunod na pagdinig si retired T/Sgt. Orly Guteza.

“If elected again as Blue Ribbon chairman on Nov 10, our hearing will resume on Nov 14. To help speed up the filing of airtight cases against some politicians, DPWH officials and errant contractors, we will invite among others, a ‘very important witness’ and retired T/Sgt Orly Guteza to shed more light on his ‘sinumpaang salaysay,'” aniya sa post sa X.

Si Guteza ang “witness” na iniharap ni Sen. Rodante Marcoleta sa pagdinig ng komite noong Setyembre 25. Ayon kay Marcoleta, si Guteza ay inirekomenda sa kanya ni dating Rep. Michael Defensor.

Ani Guteza, naghatid umano siya ng mga maletang naglalaman ng pera — na tinawag umanong “basura” — sa mga tahanan nina dating Rep. Elizaldy Co at dating Speaker Martin Romualdez. Itinanggi ni Romualdez ang mga paratang.

Ipinagkatiwala ng Blue Ribbon Committee ang pag-imbestiga sa posibleng paglabag sa notarized document ni Guteza sa Executive Judge ng Manila Regional Trial Court, matapos itinanggi ni Atty. Petchie Rose Espera na pinanotaryo, nilagdaan, o nilahukan niya ang paghahanda ng affidavit ni Guteza.

Samantala, binanggit ni Lacson na napag-usapan nila ni Senate President Vicente Sotto III ang posibilidad na maibalik sa kanya ang pagiging chairman ng Blue Ribbon Committee, matapos niyang lisanin ang puwesto noong Oktubre 6 dahil sa ilang miyembro ng mayorya na nagpahayag ng “disappointment” sa paraan ng kanyang paghawak sa mga pagdinig.

Mula noon, marami sa mga miyembro ng mayorya ang nagpahayag ng kagustuhang bumalik si Lacson sa nasabing posisyon.

Ipinunto ni Lacson na patuloy siyang magiging patas sa paghawak ng imbestigasyon, at susundin niya ang “blindfold mentality” kung saan hahayaan niyang ang ebidensya ang magturo ng direksyon ng imbestigasyon.    

Ernie Reyes nag-uulat para sa RoadNews 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *