CHAVIT SINGSON NILINAW ANG ISYU SA METROWALK LAND: HINDI ITO KINUHA NG GOBYERNO, UPAHAN LAMANG PARA SA METRO MANILA SUBWAY PROJECT
PASIG CITY — Nilinaw ni business magnate at dating Ilocos Sur Governor Luis “Chavit” Singson ang tunay na estado ng Metrowalk property sa gitna ng isinasagawang demolisyon at paglalagay ng bakod sa mga istruktura sa naturang commercial complex sa Pasig City.
Sa isang pahayag nitong Oktubre 26 (Linggo), sinabi ni Singson na nagsimula na nga ang demolisyon sa bahagi ng Metrowalk upang bigyang-daan ang pagtatayo ng Ortigas Station ng Metro Manila Subway Project (MMSP).

Ngunit taliwas sa mga naunang ulat na nagsasabing isinuko o tuluyan nang nakuha ng gobyerno ang lupa, nilinaw ni Singson na ang 12,752 square meters na bahagi ng lupain ay inuupahan lamang ng Department of Transportation (DOTr) at hindi ito ekspropriation o ganap na pag-aari ng pamahalaan.
Ayon kay Singson, ang hakbang na ito ay bunga ng koordinasyon sa pagitan ng kanyang pamilya at ng DOTr, kasama ang mga kontraktor nitong Megawide-Tokyu-Tobishima Joint Venture.
Batay sa kasunduan, limang taon gagamitin ng DOTr ang bahagi ng Metrowalk kapalit ng bayad sa renta, at ibabalik ang lupa sa pamilya Singson matapos ang proyekto.
Dagdag pa ni Singson, kasama sa kasunduan ang kabuuang bayad para sa limang taon ng paggamit ng lupa at karagdagang kompensasyon para sa tatlong taong pagkaantala mula nang unang ipalabas ang permit-to-enter noong Setyembre 30, 2022.
Kumpirmado rin umano na sumang-ayon ang DOTr, sa pangunguna ni Assistant Secretary Irish Calaguas, na bayaran ang lahat ng kompensasyon para sa paggamit at pagkaantala ng proyekto.
Sa kabila ng aberya, iginiit ni Singson ang kanyang pagtulong sa pambansang pamahalaan upang mapabilis ang proyekto ng subway, na itinuturing na isa sa pinakamalalaking infrastructure undertakings sa bansa.
Dagdag pa ng dating gobernador, handa ang kanilang pamilya na makipagtulungan sa kabila ng matagal na pagkaantala, bilang suporta sa mga proyektong makatutulong sa publiko.
Sa kasalukuyan, nagpapatuloy ang paghahanda para sa Metro Manila Subway Ortigas Station, na inaasahang magbibigay ng mas mabilis na biyahe sa mga commuter mula Quezon City patungong Pasay sa mga darating na taon.
Buboi Patriarca para sa Roadnews
