BARMM elections sa 2026, suportado sa Senado
Ni Ernie Reyes
Nagpahayag si Senator Bam Aquino ng buong suporta sa pagdaraos ng kauna-unahang parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa Marso 2026, dulot ng kahalagahan nito sa pag-unlad, pagbibigay-kapangyarihan, at pananagutan.
Inatasan kamakailan ng Korte Suprema ang Bangsamoro Transition Authority (BTA) na isapinal na ang distribusyon ng parliamentary seats at inutusan ang Commission on Elections (COMELEC) na magsagawa ng halalan hindi lalampas sa Marso 31, 2026.

Orihinal na nakatakda sa Oktubre 13, 2025, kinansela ang halalan matapos ideklara ng High Court na labag sa Konstitusyon ang Bangsamoro Autonomy Acts (BAA) 58 at 77 — ang mga batas na nag-redistrict sa pitong parliamentary seats na orihinal na nakalaan para sa Sulu.
Binigyang-diin ni Aquino na ang unang parliamentary elections ay magbibigay daan para sa ganap na awtonomiya na itinadhana sa batas at tatapos sa dekada-dekadang pakikibaka ng mga Moro.
“Napakahalaga ng darating na halalan para sa ating mga kababayan sa BARMM. Sa tulong nito, matutupad na ang layunin ng batas na awtonomiya na matagal nilang ipinaglaban. Matitiyak din ang malinaw na mandato mula sa mamamayan at tuloy-tuloy na kapayapaan at kaayusan sa rehiyon,” he said.
Nagbabala ang Senator na ang patuloy na kawalan ng katiyakan ay maaaring makapagpahina sa tiwala ng publiko sa proseso ng halalan at makahahadlang sa ganap na pagkamit ng kapayapaan at awtonomiya sa rehiyon.
“Ilang beses nang na-postpone ang matagal nang hinihintay na halalan sa BARMM. Panahon na pakinggan ang boses ng kababayan natin sa BARMM, na tiyakin nila ang nais nilang pagbabago sa rehiyon at tuloy-tuloy na ang pag-unlad,” he stressed.
Nanawagan din siya sa COMELEC na tiyakin na matutuloy ang BARMM elections batay sa schedule.
