CASSANDRA ONG, NAKAPUGA, KAHIT NAHATULAN NG LIFE SENTENCE – Gatchalian
Ni Ernie Reyes
Kasalukuyang pinaghahanap ngayon ng mga awtoridad si Cassandra Ong, ang dokumentadong kinatawan ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) firm Lucky South 99, matapos itong makalabas ng Correctional Institution for Women (CIW), ayon kay Senator Sherwin Gatchalian nitong Biyernes.
Sa ginanap na deliberasyon ng badyet ng Department of Justice (DOJ) nitong Biyernes, sinabi ni Gatchalian, chairman ng Senate committee on finance, sa plenaryo na hindi nakakulong si Ong sa kabila ng hatol ng Pasig Regional Trial Court.
Tugon ito ni Gatchalian sa kuwestiyon ni Senador Risa Hontiveros.

“Ngayon si Cassandra Li Ong naka-release po siya, so hindi siya [nakakulong],” ayon kay Gatchalian base sa impormasyon ni DOJ officer-in-charge Fredderick Vida.
Kasama si Ong sa hinatulan ng life imprisonment sa kasong human trafficking at iba pang transnational crimes.
Dahil dito, ikinagulat ni Hontiveros ang impormasyon, na nanguna sa imbestigasyon bilang chairman ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations, and Gender Equality, sa operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO).
“Mr. President, actually nagulat rin ako. Pareho ho tayong nagulat kasi tinututukan ho natin itong case… I was advised that dahil nung nag-recess po ‘yung [Congress], pinalabas ho natin siya because ‘pag nagmo-move from one Congress to the other Congress, pinapakawalan ho natin ‘yung mga nade-detain dito,” ani Gatchalian.
“Na-detain ho siya sa House and then because of the transition from the 19th Congress to the 20th Congress, pinalabas siya sa detention. At that point, wala pang kaso. So ngayon ho meron nang kaso, the same, qualified human trafficking,” giit ni Gatchalian.
“Unfortunately, because nung nakalabas siya saka lang na-file ‘yung kaso, at large siya ngayon,” dagdag niya.
Nitong Mayo, nagpalabas ng warrant of arrest ang Angeles, Pampangan Regional Trial Court Branch 118 laban kay Ong at iba pa para sa kasong qualified human trafficking sa operasyon ng scam hub na pinatatakbo ng Lucky South 99.
Dinismis naman ng Court of Appeals ang petisyon ni Ong laban sa indictment ng DOJ para sa qualified human trafficking.
