SISTEMANG NAKABATAY SA PANGANGALAGA NG  KALIKASAN, AGHAM, IPINAKAKASA vs BAHA

Ni Ernie Reyes

Nanawagan si Senador Loren Legarda sa pamahalaan na ipatupad ang pambansang pagbabago sa pamamahala ng imprastraktura sa baha na nakabatay sa kalikasan at agham sa halip na nakasandig sa kongretong proyekto.

Sa kanyang privilege speech kamakailan, sinabi ni Legarda, sa halip na umasa lamang sa konkretong imprastruktura, kailangan yakapin ang mga sistemang nakabatay sa kalikasan at agham—mga sistemang nakaugat sa ekosistema, katatagan ng komunidad, at pangmatagalang pananaw sa klima.

“Ang pag-aaruga sa kalikasan ang pinakamatibay na panangga sa baha,” aniya. “Ang proteksyon laban sa baha ay dapat magsimula hindi sa semento kundi sa lupa, puno, at ekosistema—isang patong-patong na depensang hinubog ng disenyo ng kalikasan.”

Ayon sa mga ulat, 232 ang nasawi at mahigit 4 na milyong Pilipino ang naapektuhan ng Bagyong Tino, habang ang Bagyong Uwan, na patuloy pa ring nararanasan, ay nakapagtala na ng 2.4 milyong nawalan ng tirahan. Pinakamabigat ang pinsala sa Cebu na may 150 nasawi, sinundan ng Negros Occidental at Negros Oriental. Binigyang-diin ni Legarda na ang mga trahedyang ito ay hindi mga hiwalay na insidente kundi mga sintomas ng mas malalim na sistemikong pagkukulang.

“Ito ang kalikasan na malinaw na nakikipag-usap sa atin: nalampasan na ng ating pag-unlad ang ating mga pananggalang,” aniya. “Ang walang habas na pagmimina at reklamasyon, pagkalbo ng kagubatan, hindi kontroladong konstruksyon, paglawak ng mga tirahan sa mga no-build zone, mahinang pamamahala sa basura, at katiwalian sa imprastruktura at mga permit ng gobyerno ay unti-unting sumisira sa mismong pundasyon ng kaligtasan at kaunlaran.”

Nanawagan si Legarda ng ganap na pagbabago sa pambansang polisiya, kasabay ng panawagan ng UP Resilience Institute na lumayo sa rigid megaprojects at lumipat sa nature-based systems.

Inilahad ng apat na terminong senador ang isang komprehensibong hanay ng mga solusyong nakabatay sa kalikasan, na nagsisimula sa kabundukan, dumadaloy sa mga ilog at lungsod, at umaabot hanggang baybayin, kalakip ang mga reporma sa pamamahala:

• Ibalik ang mga watershed sa pamamagitan ng pagtatanim ng katutubong punong-kahoy, kawayan, vetiver, catchment ponds, at contour farming

• Protektahan ang mga kagubatan laban sa ilegal na pagtotroso, pagmimina, at pananakop

• Ibalik ang koneksyon ng mga floodplain, ayusin ang mga riparian buffer, at buhayin ang mga latian bilang natural na espongha

• Palitan ang mga konkretong embankment ng mga gabion at coconet na may malalalim na ugat

• Itigil ang pagsasapribado ng mga pampang ng ilog para sa komersyal o residensyal na gamit

• Magtayo ng sponge infrastructure: permeable pavements, bioswales, rain gardens, retention parks, green roofs, at rainwater harvesting

• Ipatupad ang mga batas sa solid waste at no-build zones; wakasan ang exemption ng mga developer na may koneksyon sa pulitika

• Ibalik ang mga bakawan at seagrass beds para sa proteksyon ng baybayin

• Ipag-isa ang mga ahensya sa ilalim ng Integrated Flood Management and River Basin Framework

• Gamitin ang multi-hazard maps sa pagpaplano—dapat isama ang panganib ng baha, landslide, lindol, at storm surge

• Tiyaking lahat ng proyekto ay nakabatay sa agham, may pagsusuri sa panganib, at nakaayon sa klima—hindi sa pulitika

Nanawagan din si Legarda ng mahigpit na pagpapatupad ng mga umiiral na batas na kanyang isinulong at sinuportahan, kabilang ang Clean Water Act, Ecological Solid Waste Management Act, at ang probisyon ng National Building Code sa mga no-build zone. Paalala niya sa publiko: ang katatagan ay nagsisimula sa tahanan.

Hindi dapat magtapon ng basura sa kanal, ilog, o kalsada; hindi dapat barahan ang mga daluyan ng tubig o magtayo ng istruktura sa mga ilog; at dapat suportahan ang mga programa ng segregasyon ng basura sa antas-barangay.

Hinikayat din niya ang unti-unting pagbabawas ng paggamit ng single-use plastics at ang aktibong pakikilahok sa mga community-based na pagtatanim ng puno, paglilinis ng ilog, at mga pagsasanay sa kahandaan sa sakuna.

“Ang bawat dike na bumabagsak ay hindi lang kabiguan ng konstruksyon; ito ay kabiguan ng imahinasyon,” pahayag ni Legarda.

“Ang epekto nina Tino at Uwan ay hindi dapat panibagong round ng bidding para sa mabilisang pagkukumpuni. Dapat itong maging pambansang pagkagising—na ang katatagan ay hindi basta ini-engineer ng semento, kundi itinatanim, ibinabalik, at pinananatili.”

“Hindi tayo maaaring patuloy na tumugon lamang sa mga bagyo at baha,” pagtatapos niya. “Dapat tayong mamuhay nang may talino, may pananaw, may agham, at may paggabay ng kalikasan.”