BILYONG LUMP SUM BUDGET NG NIA, IBINASURA ni Gatchalian: ‘Iwas Ghost Irrigation Project’
Ni Ernie Reyes
Tinanggal ni Senador Win Gatchalian ang lahat ng lump sum allocation sa hinihinging pondo ng National Irrigation Authority (NIA) upang maiwasan ang pagtatayo ng ghost projects tulad ng farm-to-market roads na hindi makita.
Sa pahayag, sinabi ni Gatchalian, chairman ng Senate committee on finance, na tinanggal ang lump sum items sa NIA budget upang magkaroon ng pagkakataon na masuri ang lahat ng irrigation projects na ipatutupad ng ahensiya.

“Isa pang pananggalang na ipinatupad natin sa budgeting process ay ang pagtanggal ng lump sums. Para hindi na mangyari uli ‘yung ghost projects, ang layunin ay magtatag ng line items at tiyakin na malinaw na matukoy ang eksaktong coordinates at ang tiyak na haba ng mga irrigation projects,” sabi ni Gatchalian habang tinatalakay sa plenaryo ng Senado ang budget ng NIA.
“Masusundan na ng ating mga kababayan kung meron at anong irrigation projects ang itinatayo sa kanilang mga lugar,” dagdag niya.
Nauna nang pinuna ng chairperson ng Senate Committee on Finance ang mga lump sum at hindi detalyadong line items sa iminumungkahing pondo ng NIA.
Ang mga ito ay ang P10 bilyon na halaga ng national irrigation systems, communal irrigation systems na nagkakahalaga ng P5 bilyon, iba pang irrigation systems sub-program na nagkakahalaga ng P630 milyon, extension at expansion ng existing irrigation systems sub-program na P851 milyon ang halaga, establishment ng pump irrigation sub-program na nagkakahalaga ng P4 bilyon, at P2 bilyong halaga ng special irrigation sub-program. Lahat ay nagkakahalaga ng kabuuang P26 bilyon.
