Aquino vs Flood control scandal: ‘Pulitika isantabi muna, bagkus magkaisa’

0

Ni Ernie Reyes

Nanawagan si Senador Bam Aquino sa publiko na isantabi muna ang kulay ng pulitika at magkaisa sa laban sa katiwalian sa gitna ng dambuhang corruption sa flood control projects ng pamahalaan.

Binigyang-diin ni Aquino na pangkaraniwang Filipino ang tunay na biktima ng katiwalian at  sakuna sa sistemikong kabiguan na hindi tumitingin sa kung sino ang pinapanigan sa pulitika.

“Right now, ang tanong, yung mga nagnakaw at sino yung mga ninakawan. Iyong nababaha, di naman iyan pink, green, red, yellow, or whatever. Iyong binabaha, taumbayan,” diin niya.

“It shouldn’t just be kung di ka kampi dyan, kampi ka dito. Hindi eh. It should be, sino ba iyong gumawa nito sa bansa natin at sino iyong taumbayan na ninanakawan,” dagdag niya, sabay diin na dapat isantabi ng taumbayan ang pulitika dahil walang kulay ang katiwalian.

Para kay Aquino, dapat ilipat ang usapan mula sa mga politiko pabalik sa mga taong dapat nilang paglilingkuran.

“Dapat ganoon iyong way we should frame it. Kasi, once you frame it back to the politician, it just becomes about politics again. And people tune out of politics,” sabi niya.

Dagdag pa niya, dapat ito ang isyu mula sa pulitika patungo sa mga bagay na nakaka-apekto sa mga nagbabayad ng buwis, sa kanilang kinabukasan, at sa kinabukasan ng kasalukuyang at susunod na henerasyon.

“This is beyond politics. It’s about taxpayers, your future, and your children’s future. You know, it’s about things that affect us,” diin ni Aquino.

Bilang bahagi ng kanyang adbokasiya na palakasin ang transparency at maiwasan ang pang-aabuso sa kaban ng bayan, isinusulong ni Aquino ang kanyang panukalang Senate Bill No. 1506, ang Citizen Access and Disclosure of Expenditures for National Accountability (CADENA) Act.

Aniya, layunin ng panukala na mapatibay ang transparency sa budget ng gobyerno at matiyak na bawat piso ay masusubaybayan.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 1506, na kilala rin bilang Blockchain the Budget Act, lahat ng ahensya ng gobyerno ay obligadong i-upload at panatilihin ang mga dokumento kaugnay ng budget—kabilang ang mga kontrata, gastos sa proyekto, bills of materials, at detalye ng procurement—sa isang Digital Budget Platform. Gumagamit ito ng teknolohiyang hindi madaling baguhin upang gawing transparent at accessible sa publiko ang buong proseso.

Kung maipasa bilang batas, ani Aquino, ang mga opisyal ng gobyerno na hindi isasapubliko ang mga dokumentong kaugnay ng budget o sadyang mag-upload ng maling impormasyon ay haharap sa administratibo at kriminal na parusa.

“Panahon na para isabatas ang CADENA Act upang matiyak na napupunta sa tama ang pondong galing sa pinaghirapan ng ating mga kababayan,” ani Aquino.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *