DepEd kinalampag ni Legarda sa pagsusulong ng pagbabasa sa kabataan

0

Ni Ernie Reyes

Sa National Reading Day (Araw ng Pagbasa) noong, Nobyembre 27, muling hinikayat ni Senador Loren Legarda ang Department of Education (DepEd) na isulong ang mas masigasig na programa sa pagbabasa ng kabataan partikular sa formative years.

Ayon kay Legarda, ang pagbabasa, partikular para sa mga edad 6 hanggang 12, ay nakatutulong sa paghubog ng kasanayang kognitibo at pagpapalakas ng critical thinking ng mga kabataan.

“Naniniwala tayo na dapat mas palakasin ang pagbabasa, lalo na sa panahon na hinuhubog pa ang isipan ng kabataan, dahil ang kakayahang magbasa at umunawa ay mga pangunahing kasanayang kailangan para sa buong buhay nila,” ani Legarda.

“Ang pagbabasa ay nagpapakatao rin sa atin; nagbibigay ito ng damdamin, lalim, at empatiya na nakukuha lamang sa patuloy na paglinang ng isipan,” dagdag niya.

Ang tema ngayong taon na “Tulay ang Pagbasa sa Bukas na Puno ng Pag-asa” ay nagbibigay-diin sa kapangyarihan ng pagbabasa bilang tulay na nag-uugnay sa iba’t ibang henerasyon at nagpapalalim ng pang-unawa sa lahat ng edad.

“Ang kakayahang mahusay na magbasa at umunawa ay isang kritikal na kasanayan para sa kinabukasan upang magkaroon tayo ng isang henerasyon ng mga Pilipinong mapanuri, may sapat na kaalaman, at may pananagutan sa pag-unlad ng ating minamahal na bansa,” diin niya.

“Bilang isang bansang may malawak na kaalaman, maaari tayong umunlad at makipagsabayan sa pandaigdigang antas at maiangat ang marami mula sa kahirapan,” pagpapatuloy niya.

“Makakatulong din ito sa paghubog ng mga polisiyang magtutulak sa Pilipinas tungo sa isang masigla at napapanatiling ekonomiya.”

Itinulak ni Legarda ang pagpasa ng ilang mahahalagang batas sa larangan ng edukasyon tulad ng Enhanced Basic Education Act of 2013, Integrated History Act of 2016, at Universal Access to Quality Tertiary Education Act, bukod sa iba pa.  

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *