P6.6-B inilaan sa bagong TES Grantees ng 4Ps – Gatchalian
Ni Ernie Reyes
Naglaan ang Senate Committee on Finance ng P6.6 bilyon para sa kalahating milyong bagong benepisyaryo ng Tertiary Education Subsidy (TES) mula sa mga pinaka-nangangailangang mga pamilya.
Sa pahayag sinabi ni Senador Sherwin Gatchalian, chairman ng Senate committee on finance na sasaklawin ng dagdag na pondo ang 490,000 na mga benepisyaryo mula sa mga households na bahagi ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Gamit ang naturang pondo, aniya, ang mga benepisyaryong naka-enroll sa mga pampublikong kolehiyo at pamantasan ay makakatanggap ng P20,000 kada taon.
Idinagdag pa ng senador na para sa mga mag-aaral na naka-enroll sa mga pribadong higher education institutions sa mga lugar na walang state o local colleges at universities (SUCs at LUCs), P27,000 ang matatanggap ng kada isang benepisyaryo.

“Sa pamamagitan ng pondong inilaan natin para sa mga bagong benepisyaryo ng TES, matitiyak natin na bawat pamilyang bahagi ng 4Ps ay magkakaroon ng college graduate.” ani Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Finance.
Dati nang pinuna ni Gatchalian ang pagbaba ng bilang ng mga TES beneficiaries mula sa mga pinakanangangailangang pamilya. Noong 2022, dalawa lamang sa kada 10 benepisyaryo ng TES ang nagmula sa poorest households.
Nagsulong si Gatchalian ng special provision para sa 2025 at 2026 national budgets upang matiyak na bibigyang prayoridad sa TES ang mga pinakanangangailangang pamilya.
Sa kasalukuyan, apat sa sampung TES beneficiaries ang nagmula sa mga poorest households.
