5.7M estudyante sa SUCs, LUCs, mapag-aaral nang libre sa kolehiyo – Bam Aquino
Ni Ernie Reyes
Tinatayang 5.7 milyong estudyante sa State Universities and Colleges (SUCs) at Local Universities and Colleges (LUCs) ang makikinabang sa Free College Law sa ilalim ng Senate version ng 2026 national budget, ayon kay Senador Bam Aquino.
Sa budget hearing ng Commission on Higher Education (CHED), sinabi ni Aquino na naglaan ang Senado ng P26 bilyon para sa SUCs, na magbibigay-daan sa 5.2 milyong estudyante na magpatuloy na makinabang sa Republic Act 10931, o Free College Law.
Naglaan din ang Senado ng P6.7 bilyon para sa LUCs, na sumusuporta sa humigit-kumulang 500,000 estudyante, at P4.4 bilyon para sa prior-year deficiencies ng SUCs, dahilan upang umabot sa P67 bilyon ang kabuuang pondo para sa Free College Law.

“There are 5.7 million students in our SUCs and LUCs, nakakatanggap ng libreng kolehiyo. And that’s a number we can all be proud of. Madaming pamilya po diyan, natutulungan,” sabi ni Aquino, chairperson ng Committee on Basic Education at principal sponsor ng Free College Law.
Bukod sa libreng tuition, naglaan din ang Senado ng P27.3 bilyon para sa allowances sa ilalim ng Tertiary Education Subsidy (TES) at P2.7 bilyon para sa Tulong Dunong Program (TDP).
Itinuturing na mahahalagang bahagi ng Free College Law, ang dalawang programang ito ay nagbibigay ng tulong sa mga estudyanteng kapos sa pera para sa iba pang gastusin sa edukasyon, tulad ng pagkain, libro, at pang-araw-araw na pangangailangan. Sinasaklaw din nila ang gastusin ng mahihirap ngunit karapat-dapat na estudyanteng nag-aaral sa mga pribadong kolehiyo at unibersidad.
Sa 2026, humigit-kumulang 1.5 milyong estudyante—mula man sa pampubliko o pribadong unibersidad—ang makikinabang mula sa TES at TDP, kabilang ang 490,000 na mula sa Pantawid Pamilya Pilipino Program (4Ps). Tatanggap sila ng halagang mula P15,000 hanggang P20,000 hanggang P27,000, depende sa kanilang kategorya.
“Malaking bagay ito kasi marami sa mga estudyante natin nangangailangan ng dagdag tulong para makapagtapos,” sinabi ni Aquino, na binanggit na 70 porsiyento ng mga estudyante sa LUCs at SUCs ang nakakapagtapos ng kolehiyo—ang pinakamataas sa rehiyon.
“Pero alam natin na maraming nagda-dropout dahil sa kakulangan ng pondo. At iyong allowance, maging TDP man iyan o TES man iyan, iyong allowance ng gobyerno, makatutulong talaga sila na makapagtapos,” dagdag niya.
Iminungkahi rin ni Aquino na ilathala sa lahat ng paaralan ang listahan ng mga benepisyaryo ng TES para sa ganap na transparency at upang matiyak na napupunta ang pondo sa tamang programa.
“I think we’re moving towards an age of more transparency. Palagay ko iyon naman talaga iyong hinahabol ng taumbayan ngayon at hindi maliit na pera ito. Thirty billion po ito, so maganda na naka-publish ito,” aniya.
