DOH muling pinokpok sa ‘delayed, expired vaccines’ ng bata
Ni Ernie Reyes
“It’s unacceptable! Kailan magbabago ‘yan?!”
Ito ang mariing tanong ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano nitong Biyernes sa Department of Health (DOH) nang punahin niya ang laging delayed na pagdating ng libreng bakuna sa mga health center.
Sa ginanap na deliberasyon ng badyet ng DOH, sinabi ni Cayetano na hindi dapat naaantala ang paghahatid ng bakuna sa bata dahil sila ang susunod na henerasyon na kailangan ng bansa sa kinabukasan.

“Health ng mga bata ito. Future ng bansa ito. Budget n’yo ang laki-laki tapos y’ung on time lang y’ung bakuna [hindi niyo magawa],” punto ni Cayetano sa plenary debate para sa proposed 2026 budget ng ahensya.
Ayon sa senador, kung hindi delayed ang mga bakunang dumadating galing sa DOH, kulang o halos expired na ang mga ito, kabilang ang mga bakuna para sa routine immunization ng mga sanggol.
“Let’s randomly call ten mayors and governors, they’ll all tell you the same thing: the DOH is not delivering enough, tapos ‘pag nag-deliver, late at ready to expire na,” aniya.
“Y’ung ibang parents ayaw nang pabakunahan ang anak nila kasi one month na lang expired na eh!” dagdag niya.
Hindi tinanggap ni Cayetano ang aniya’y “pambobola” ng DOH na logistics at sobrang kumpetisyon sa bidding ang dahilan ng problema.
“All around the world, ang flu vaccine, ibinibigay sa matatanda ng March at April. Even assuming na nanggagaling pa sa Western countries at sabihin mong dumating dito ng August o July, ngayong November na wala pa rin silang vaccine for flu, and it expires on December 31,” pahayag ng senador.
“Hindi dapat magkaroon ng problema sa bidders,” dagdag niya. “[Kung] may mga sira-ulong bidder diyan na loloko-lokohin y’ung bidding, ‘di ipakulong niyo.”
Sabi pa ng Minority Leader, na ang asawa ay alkalde ng Taguig, gustuhin man ng local government units na sila na ang bumili ng mga bakuna ay hindi nila ito magawa dahil may mga bakunang tanging ang national health agency lang ang maaaring mag-procure.
Pinuntirya rin ni Cayetano si Health Secretary Ted Herbosa dahil sa puro “excuses” aniya nito at sa mabagal na aksyon.
“Ever since Secretary Herbosa took over, it’s late or kulang… Two years na, parating late!” pahayag niya.
Hinamon niya ang kalihim na ayusin ang problema bago mag-2026.
“Can you guarantee us in 2026 there will be no delays? Because if not, let’s get a secretary who can,” giit ng senador.
