INTEGRASYON NG NATURE-BASED SOLUTION SA COSTING FRAMEWORK NG INFRA, HIRIT NI LEGARDA

0

Ni Ernie Reyes

Muling iginiit ni Senador Loren Legarda ang kahalagahan ng paggamit ng nature-based solutions sa pagpaplano at pagkuwestiyon ng gastusin para sa pampublikong imprastraktura sa  plenary deliberations sa 2026 budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH),

Habang matagal na niyang binibigyang-diin sa kanyang mga talumpati na ang pag-aalaga sa kalikasan ang pinakamabisang depensa laban sa pagbaha, nanawagan si Legarda na isama sa mga costing framework ang mga disenyo na ekolohikal at hybrid kumpara sa tradisyunal na civil works.

Hinimok niya ang DPWH na ipakita ang parehong dedikasyon na ipinamalas nito sa pagrebisa ng Construction Materials Price Data (CMPD) at Detailed Unit Price Analysis (DUPA) para sa mga tradisyunal na proyekto gaya ng mga kalsada, tulay, floodwalls, at pumping stations sa pagsasama ng mga disenyo na ekolohikal at hybrid. Binanggit ni Legarda na dapat tiyakin ng ahensya na magkaroon ng pantay na pagtingin sa nature-based solutions sa proseso ng costing upang maging patas ang kanilang konsiderasyon kasabay ng karaniwang civil works.

Binigyang-diin ni Legarda, na matagal nang tagapagtaguyod ng pangangalaga sa kalikasan at climate action, na ang constructed wetlands, vegetated floodplains, detention parks, bioswales, permeable surfaces, urban forests, mangrove at riparian restoration, at iba pang climate-resilient landscape interventions ay hindi lamang matatag sa harap ng climate extremes kundi maaaring mas matipid sa pangmatagalang panahon.

“Binabawasan ng mga paraang ito ang paggamit ng enerhiya, nakapagtitiis sa matinding epekto ng klima, at nagbibigay pa ng karagdagang benepisyo sa biodiversity, kalusugan, at turismo. Ngunit kung walang standardized costing frameworks, patuloy silang hindi isinasama sa pormal na programming at sa patas na paghahambing sa tradisyunal na civil works,” aniya.

Binigyang-diin pa ni Legarda na ang Pilipinas, na mayaman sa katutubong yaman at ekolohikal na pagkakaiba-iba, ay may natatanging oportunidad upang manguna sa makabago at climate-conscious na disenyo ng imprastruktura.

“Hindi natin maaaring patuloy na sukatin ang halaga ng imprastruktura base lamang sa dami ng semento,” pahayag ni Legarda. “Ang tunay na value-for-money ay dapat isinasaalang-alang ang tibay at sustenabilidad na hatid ng nature-based solutions sa ating mga komunidad. Kung hindi ito maisasama ng DPWH sa costing, sinasayang natin ang pagkakataong magtayo ng mas matalino at mas luntian na imprastruktura.”

Nagpanukala si Legarda ng isang hiwalay na Nature-Based Solutions Costing Framework, katumbas ng CPMD at DUPA, na magtatakda ng standardized unit costs, design templates, at material benchmarks para sa ekolohikal at hybrid na imprastruktura.

“Kailangan nating magsagawa ng comparative cost–benefit at lifecycle analysis sa pagitan ng tradisyunal na flood control structures at ng nature-based alternatives, lalo na ang mga hybrid na modelo na pinagsasama ang parehong pamamaraan,” sabi ni Legarda.

Nanawagan din siya ng pormal na pag-aaral para suriin ang integrasyon ng mga katutubo at lokal na materyales, gaya ng kawayan, coconut lumber, volcanic aggregates, lokal na bato, at mga katutubong species ng halaman, sa pambansang pamantayan.

“Taglay natin ang mga yaman, kaalaman, at agarang pangangailangan. Ang kailangan natin ay ang institusyonal na kagustuhang gawing bahagi ng ating imprastruktura ang mga solusyong ito,” dagdag niya.

Nagpahiwatig din si Legarda ng pagbuo ng pilot program, sa pakikipagtulungan sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of Economic and Development (DEPDev), at akademya, upang makalikom ng lokal na cost data para sa nature-based at indigenous-material-based infrastructure.

Ayon kay Legarda, titiyakin ng naturang programa ang mas napapanatili at value-for-money na investment decisions habang iniaangkop ang imprastruktura sa mga realidad ng Pilipinas.

Sa plenary deliberations kasama ang iba’t ibang ahensya para sa 2026 General Appropriations Bill, patuloy na isinusulong ni Legarda ang isang whole-of-government approach na nakabatay sa nature-based solutions. Binigyang-diin niyang mahalagang isama ang ecological resilience at sustainable practices sa fiscal planning upang maging tugma ang modernisasyon ng imprastruktura sa wastong pangangalaga sa kalikasan. 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *