DOH, kinastigo sa palpak na pagbili ng bakuna at NO BALLANCE BILLING sa public hospitals
Ni Ernie Reyes
Tumanggap ng matinding pagkastigo mula kay Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano si Health Secretary Ted Herbosa sanhi ng ilang kapalpakan ng Department of Health (DOH) at Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) hinggil sa pagbili ng bakuna, “no balance billing” at ‘zero balance billing,” sa public hospital.
Sa ginanap na deliberasyon ng 2026 budget ng DOH, hinamon din ni Cayetano si Herbosa na magbitiw sa tungkuling kapag napatunayan ng mambabatas na kaya nitong gawin ang cost analysis survey ng PhilHealth sa loob ng isang linggo.
Unang pinuna ni Cayetano ang kapalpakan ng DOH sa pagbili ng bakuna sa ginanap na deliberasyon ng badyet ng ahensiya nitong Miyerkoles na inabot ng madaling araw.
Sa plenaryo, uminit ang deliberasyon matapos mabigo si Herbosa na maipangakong makabibili kaagad ng bakuna tulad ng anti-Flu vaccine sa senior citizens na hindi napapaso ang bisa ng gamot.

“Kung hindi magagarantiyahan ng Kalihim na wala nang pagkakaantala ang pagbili sa susunod na taon, then he has no business being Secretary,” tugon ni Cayetano kay Herbosa.
Uminit ang ulo ni Cayetano nang pag-usapan sa plenaryo ang bakuna nang marinig ang dahilan ng kalihim kung bakit ilang taon nang naantala ang paghahatid ng bakuha sa lokal na pamahalaan.
Hinala ni Cayetano, hindi ito ginagawang prayoridad ng DOH kaya naantala ang pagbili ng bakuna saka ihatid sa local government units (LGUs) upang maipamahagi sa mamamayan partikular sa senior citizens at mahihirap.
“All around the world, ang flu vaccine, ibinibigay sa matatanda ng March at April. Even assuming na nanggagaling pa sa Western countries at sabihin mong dumating dito ng August o July, ngayong November na wala pa rin silang vaccine for flu, and it expires on December 31,” ayon kay Cayetano.
“It’s unacceptable! Kailan magbabago ‘yan?,” tanong ng senador.
Kuhang kuha lalo ni Herbosa ang inis ni Cayetano lalo na’t idinadahilan pa niya ang problema sa bidding.
“Ever since Secretary Herbosa took over, it’s late or kulang…Two years na, parating late!” ani Cayetano.
“Can you guarantee us in 2026 there will be no delays? Because if not, let’s get a secretary who can,” ayon kay Cayetano.
Binanatan din ni Cayetano ang itinuturing nitong mapanlinlang na “no balance billing,” na nagsisilbing pogi points lang kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.,
Sa kanyang bungad sa deliberasyon, sinabi ni Cayetano na parang false advertising ang “no balance billing” (NBB) ng DOH at PhilHealth dahil hindi tumutugma ang programa sa karanasan ng pasyente sa aktuwal na pangyayari o reyalidad.
“Ang basis ng conversation is trust eh, so if you tell people na ‘no balance’ pero may balance, why would they name it no balance kung may balance?” wika ng senador sa ginanap na 2026 DOH plenary budget hearing nitong November 27, 2025.
“So hindi ‘no balance’ iyon. Isn’t that false advertising?” dagdag niya.
Ipinaliwanag naman ni Health Secretary Ted Herbosa na may pagkakaiba ang Zero Balance Billing sa No Balance Billing na ipinatutupad ngayon ng administrasyon.
Aniya, ang Zero Balance Billing ay para lamang sa DOH operated hospitals at basic ward patients, habang ang NBB ay limitado sa mga indigent at naaayon lamang sa PhilHealth case rates.
Para kay Cayetano, magulo at nakakalito ang mga termino na ginagamit ng administrasyon na nagpapagulo sa kaisipan ng mamamayan.
Aniya, nakakasira ng tiwala ng publiko ang pagpapaasa na parang libero ang lahat ng Pilipino sa alinmang pagamutan ng pamahalaan, pero kakaiba ang aktuwal na pangyayari.
Dagdag pa niya ay nakakasira ng tiwala sa publiko ang pagpapaasa na parang libre ang lahat ng Pilipino sa anumang pampublikong ospital.
“We cannot keep announcing programs that confuse the public and fail them in practice. Either i-no balance nila talaga or palitan nila y’ung pangalan,” ayon sa senador.
Kasabay nito, mukhang napasubo naman si Herbosa sa hamon ni Cayetano na magbibitiw siya sa tungkulin kapag napatunayan ng senador na kaya nitong tapusin ang cost analysis survey ng PhilHealth sa loob ng isang linggo.
Hinamon ni Cayetano si Herbosa na magbitiw sa tungkulin kapag napatunayan nito ang cost analysis survey ng PhilHealth sa loob ng isang linggo.
“If I can do it in one week, magre-resign ka?” hamon ni Cayetano sa DOH chief.
Sagot naman ni Herbosa, “Yes.”
Sa puntong ito, agad na tinutugon ni Cayetano ang hamon saka binanggit na kailangan magtungo ang kalihim sa Senado dakong alas kuwatro ng hapon ngayon, Huwebes.
“Sige, call ako. Be here (Senate) at 4 o’clock tomorrow,” ayon kay Cayetano.
Nag-ugat ang hamon ng senador sanhi ng naantalang pagtatapos ng survey kahit 160 hospial lang ang kailangang sumagot na nagiging dahilan kung bakit nalilito ang publiko hinggil sa “No Balance Billing Policy.”
Iginiit ng mambabatas na hindi tumutugma ang pangako ng gobyerno sa “No Balance Billing Policy” sa aktuwal na gastos sa ospital sanhi ng lumang case rates.
Kinastigo din ni Cayetano ang PhilHealth dahil pitong taon nang hindi nagagawa nang maayos ang survey.
“Pinapahirapan niyo ang sarili nyo. Seven years kayong hindi nag-survey. Last year, nilagyan niyo lang ng percentage. Ngayon, November na, wala pa rin,” aniya.
Paniniwala ni Cayetano na hindi kumplikado ang survey at masyado lang pinapahirapan ng PhilHealth ang proseso.
Aniya sapat na ang direktang paghingi sa bawat ospital ng kanilang costing upang matapos ang survey.
“All you have to do is ask all the hospitals, yung bawat magkano yon…Habang wala iyan, niloloko natin ang tao sa billing nila. Litong-lito na sila,” aniya.
