Apela ni Bam sa CHED: TES allowance ipagamit sa RLE ng nursing students
Ni Ernie Reyes
Nanawagan si Senator Bam Aquino sa Commission on Higher Education (CHED) na payagan ang mga nursing student na saklaw ng Free College Law na gamitin ang kanilang Tertiary Education Subsidy (TES) para sa gastos sa Related Learning Experience (RLE), upang matulungan silang mabawasan ang kanilang pinansyal na pasanin.
Ginawa ni Aquino ang mungkahi sa CHED budget plenary session, sa pagsasabing nananatili ang RLE bilang isa sa pinakamabigat na gastusin para sa mga mahihirap ngunit karapat-dapat na nursing student at isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit ang ilan ay napipilitang huminto sa pag-aaral.
Ang RLE ay katumbas ng on-the-job training (OJT) at isa sa mga requirement ng mga magtatapos na nursing student.

“Alam natin na ang ating nursing students may added burden sa kanila which is the RLE, iyong related learning experience na para sa marami po sa kanila sometimes iyan pa yung rason kung bakit sila nagda-drop out,” wika ni Aquino, chairperson ng Senate Committee on Basic Education.
Ayon sa Senador, ang paggamit ng TES para sa RLE expenses ay nakaayon sa mga guideline ng CHED para sa TES, na nagbibigay ng tulong pinansyal sa ilalim ng Free College Law para sa mga estudyanteng kapos sa pera upang matugunan ang iba pang gastusin sa pag-aaral, tulad ng pagkain, libro, at living expenses.
Sinasaklaw din ng TES ang gastusin ng mga mahihirap ngunit karapat-dapat na estudyanteng nag-aaral sa mga pribadong kolehiyo at unibersidad.
Sinabi ni Aquino na maaari itong ilagay bilang special provision sa 2026 national budget para sa mga nursing student.
“Ibukas natin itong TES sa mga nursing students para sa RLE. Alam ko naman iyong TES para sa kung anumang expense na kailangan ng kabataan but once we indicate that it can be used for RLE, I think it will be a big help for our nursing students,” giit ni Aquino.
Inilapit kay Aquino ang isyu noong panahon ng kampanya para sa 2025 senatorial elections ng mga nursing student, na inireklamo ang mabigat na gastusin para sa RLE, na katumbas ng on-the-job training (OJT) at rekisito para sa mga magtatapos na nursing student.
Naghain si Aquino ng Senate Bill No. 123, na naglalayong gawing libre ang RLEs sa State Universities and Colleges (SUCs) at Local Universities and Colleges (LUCs).
Sa ilalim ng panukala, maaaring mag-apply para sa TES assistance ang mga nursing student sa mga pribadong unibersidad para sa RLE-related expenses.
