6-month phase-out ng Optical Media Board, isinusulong ni Gatchalian

0

Ni Ernie Reyes

Inihayag ni Senador Win Gatchalian na kanyang sinusuportahan ang phase-out ng operasyon ng Optical Media Board (OMB), dahil sa pagiging lipas na ng industriyang orihinal na saklaw ng regulasyon nito.

Ayon sa chairman ng Senate Finance Committee, handa rin siyang magbigay ng rekomendasyon sa ehekutibo hinggil sa paglipat ng operasyon ng OMB sa ibang ahensya, tulad ng Film Development Council, upang matiyak na hindi mawawalan ng trabaho ang mga empleyado sa oras na tuluyang mabuwag ang ahensya.

“Sa panahon ngayon, obsolete na ang OMB. Wala nang nanonood ng mga CD. Lahat ay nasa live streaming platforms na. Kailangan lang nating mahanap ang tamang transition para sa mga empleyado,” sabi ni Gatchalian.

“Maaari nating bigyan ang ahensya ng ‘winding-down budget’ na sapat para sa 3 hanggang 6 na buwan, at pagkatapos ay maililipat natin ang budget na iyon sa iba pang ahensyang may katulad na tungkulin o trabaho,” dagdag pa niya.

Kabilang sa mga tungkulin ng OMB ang pagbibigay ng lisensya at pagrehistro ng mga lehitimong optical media businesses, gayundin ang pagsisiyasat at pagsugpo sa mga ilegal na operasyon. 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *