PH, ‘double whammy’ sa kabagalan ng DOH sa paggamit ng AI – Cayetano
Ni Ernie Reyes
Nagbabala si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano kamakailan na posibleng maharap ang bansa sa isang “double whammy” sa healthcare system kung hindi agad kikilos ang gobyerno sa paggamit ng Artificial Intelligence (AI) habang patuloy ang paglayas ng Filipino health workers papunta sa abroad.
Sa plenary interpellation nitong November 26 sa 2026 budget ng Department of Health (DOH), sinabi ni Cayetano na hindi maaaring magpahuli ang Pilipinas sa AI lalo na ngayong kulang na ang tauhan sa ospital at klinika.

“AI creators naman are saying na for every technology, it creates more jobs. Ang kaibahan sa health, tuloy pa rin ang pag alis ng health professionals natin tapos ‘di pa tayo marunong [gumamit ng] AI, double whammy,” aniya.
Binanggit ni Cayetano na isa nang trend ang paggamit ng AI sa maraming industriya at dapat bahagi na ito ng public health planning.
“Whether you talk about the markets, labor, call centers, business, even in church, health, pinag-uusapan AI. I was expecting that some of the answers of all agencies in this budget hearing will be with AI or papunta roon,” sabi niya.
“Is this another tech shift na maiiwan ang Pilipinas? If yes sana hindi sa health side,” dagdag niya.
Depensa naman ng DOH, naghahanda na ito ng isang AI agenda na naka-align sa ASEAN chairship ng Pangulo sa susunod na taon.
May mga kasunduan na rin daw para sa data centers na sinusuportahan ng UAE sovereign wealth fund at nakikipagtulungan na sila sa DICT para sa procurement at supply chain support.
Pero ayon kay Cayetano, hindi sapat ang mga hakbang na ito at kailangan pa rin ng DOH ng malinaw at matibay na istratehiya para makita kung aling AI applications ang pinakamainam.
Dapat din aniyang magkaroon ang DOH ng sariling in-house AI expert na mamumuno sa direksyong ito.
“Ang problema sa tech, one year delay is not one year delay. When you talk about AI, when you’re delayed one year, you’re delayed five years. Uunahan ka na ng iba,” aniya.
Hinimok niya ang DOH na magbigay ng malinaw na commitment bago matapos ang budget process.
“I would like a commitment from them [DOH] na seseryosohin nila ito and a submission as soon as possible,” sabi ni Cayetano.
