Batas sa pagpapaunlad ng industriya ng kape, ikinasa sa Senado

0

Ni Ernie Reyes

Para sa maraming Pilipino, “Coffee is life” – pero para sa ating mga lokal na magtatanim, ito’y araw-araw na laban para mabuhay laban sa pagdagsa ng imported na kape at kakulangan ng suporta mula sa pamahalaan.

Dahil dito, naghain si Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” M. Lacson ng Senate Bill 1556 upang magtatag ng isang pambansang programang pangkaunlaran para sa industriya ng kape sa Pilipinas.

Lilikha rin ang panukala ni Lacson ng Philippine Coffee Board at magbibigay ng komprehensibong suporta para sa sektor ng kape.

“This measure seeks to establish a national framework that will accelerate the development of the coffee industry, create a National Coffee Board, strengthen every link of the value chain, improve the country’s competitiveness, and reduce our heavy reliance on imported coffee,” ayon sa paliwanag sa panukalang may titulong “Philippine National Coffee Industry Development Act of 2025.”

Ani Lacson, noong 1880s, kabilang ang Pilipinas sa mga nangungunang coffee exporters sa mundo, ngunit bumagsak ang industriya at umaasa ngayon sa imports para sa 81% ng pangangailangan sa kape.

Limitado at luma na ang karamihan sa impormasyon mula sa gobyerno, habang may kakulangan ng pangunahing kagamitan at post-harvest facilities, kawalan ng access sa planting materials, fertilizers, bio-control inputs, at maayos na farm-to-market roads.

Kulang din ang post-harvest support dahil maraming magsasaka ang umaasang i-sun-dry ang kanilang beans at gumagamit ng maliliit na lokal na millers, samantalang ilang pasilidad ay underutilized dahil sa hindi regular o kulang na supply ng raw beans. Limitado rin ang research and development.

Ani Lacson, nagrekomenda ang Department of Agriculture ng mga programa upang hikayatin at tulungan ang private sector processors na makapag-develop ng de-kalidad na coffee at cacao products na kayang makipagsabayan sa international brands; isang harmonized online industry information database na naglalaman ng presyo, produksyon at yield; mas pinalakas na kampanya sa pagpatronisa ng lokal na coffee at cacao; pakikipag-ugnayan ng local growers sa high-end at lokal na coffee shops; at profiling ng iba’t ibang coffee at cacao varieties.

Sa ilalim ng panukala, layon ng Estado na gawing globally competitive na producer at net exporter ang Pilipinas pagsapit ng 2035; mapabuti ang kabuhayan ng maliliit na coffee farmers na nag-ooperate ng 95% ng coffee farms; mapreserba at mapaunlad ang mga natatanging uri ng kape tulad ng Barako, Robusta, Arabica at Excelsa; matiyak ang sustainable at climate-resilient production; at makapag-develop ng world-class standards at value-added processing capabilities.

Sasaklawin ng panukala ang lahat ng coffee farmers kabilang ang smallholders na bumubuo sa 95% ng farms na may sukat na limang ektarya pababa.

Lilikha ng Philippine Coffee Board sa ilalim ng Department of Agriculture, na sasalo sa mga tungkulin ng Philippine Coffee Board, Inc. na naitatag noong 2002.

Magtatatag din ng regional councils sa mga pangunahing coffee-producing regions sa Cordillera (Benguet, Mountain Province), Southern Luzon (Batangas, Cavite), Mindanao (Davao, Bukidnon, Sultan Kudarat, Cotabato), SOCCSKSARGEN, at iba pang emerging coffee areas.

Magsasagawa ng National Coffee Replanting and Rehabilitation Program na magtatarget ng 250,000 ektarya ng coffee expansion sa loob ng 10 taon. Kasama rito ang libreng pamamahagi ng 150 milyong high-yield at climate-resilient seedlings, technical assistance, subsidy na P50,000 kada ektarya para sa establishment costs, at insurance coverage para sa unang tatlong taon.

Magtatakda ang PCB ng comprehensive quality standards para sa Philippine coffee at magpapatupad ng extension services tulad ng farmer field schools, buwanang farm visits at technical consultations, at mobile apps para sa technical support.

Magkakaroon din ng Coffee Credit and Insurance Program para sa farmers, producers at traders na may P10-bilyong taunang pondo para sa production loans na may 3% interest; P5 bilyon para sa processing at marketing loans na may 4% interest; crop insurance na sasaklaw ng 100% ng production costs; at P2-bilyong calamity assistance fund bawat taon.

Ililikha ang Coffee Farmer Subsidy Program na magbibigay ng fertilizer subsidy na P5,000 kada ektarya kada taon, price support mechanism na magtatakda ng minimum farm gate prices, at transport subsidy para sa malalayong highland areas.

Pangungunahan ng PCB ang pag-develop ng processing hubs at value chain integration, gayundin ang pagpapalakas ng domestic market at export promotion.

Samantala, itatatag ang National Coffee Research Institute sa ilalim ng Department of Science and Technology (DOST) upang makapag-develop ng climate-resistant varieties, paghusayin ang processing technologies, magsagawa ng market at consumer research, at makipag-ugnayan sa international research institutions.

Nagtatakda rin ang panukala ng initial appropriation na P15 bilyon kada taon para sa unang limang taon sa budget ng DA. Ang pondo ay ilalaan nang ganito: 40% para sa production support, 15% para sa research and development, 20% para sa processing at infrastructure, 10% para sa marketing at promotion, 10% para sa institutional support, at 5% para sa emergency at calamity fund.

“Through these reforms, the Philippines can steadily work toward regaining its place in the global coffee sector, while building an industry that is more responsive and productive – one that focuses on increasing yields, improving farmer incomes, strengthening technical skills, widening market opportunities, and ensuring long-term stability,” ayon kay Lacson. 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *