REHAB NG BATANG KRIMINAL, PALALAKASIN SA SENADO
Ni Ernie Reyes
Limang karagdagang regional Bahay Pag-Asa (BPA) ang ipatatayo ng bansa matapos isulong ni Senador Win Gatchalian ang paglalaan ng pondo sa pagpapatayo ng pasilidad ng rehabilitation centers.
Sa deliberasyon ng badyet ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), sinabi ni Gatchalian na kritikal ang pangangailangan na mapalakas ang pamamahala ng mga pasilidad na ito.
Aniya, layunin ng panukala na magbibigay ng angkop na interbensiyon para sa mga children in conflict with the law (CICL) o mga batang lumabag sa batas.
Partikular na iginiit ng senador ang paglalaan ng P200 milyong pondo para sa pagtatayo ng limang BPA centers sa taong 2026.

“Ang mga pasilidad ng BPA ay tinatawag na critical lifelines para sa mga kabataan upang magbagong-buhay at muling makabalik sa lipunan nang produktibo. Tulad ng ginawa namin sa Valenzuela, nakita natin kung paano natulungan ng Bahay Pag-asa ang maraming kabataan na naligaw ng landas na nais makapagtapos ng pag-aaral at makapagsimula ng bagong buhay,” ani Gatchalian.
Bilang chairperson ng Senate Committee on Finance, sinabi rin ni Gatchalian ang pangangailangang tiyakin na ang iminumungkahing pondo ay nagbibigay-prayoridad sa mga pangangailangan ng mga disadvantaged constituents, partikular na ang mga kabataang Pilipino.
Ayon sa DSWD, mayroong 118 BPA centers ang bansa na nagbibigay ng pansamantalang tirahan, mga programa sa rehabilitasyon, at suporta para sa mga CICL sa lipunan. ‘Yun nga lang, marami sa mga pasilidad na ito ang may limitadong kapasidad.
