Partylist system, rerepasuhin ni Bam: ‘Pekeng kinatawan, kakalusin’

0

Ni Ernie Reyes

Hindi na makalulusot sa halalan ang sinumang partylist na nagkukunwaring kinatawan ng partikular na sektor ngunit ginagamit lamang ang sistema upang magkamal ng impluwensiyang pulitikal at magnakaw ng pondo sa bansa kapag naisabata ang panukalang paagrerebisa dito.

Inihayag ni Senador Bam Aquino na nakapaghain na ng kaukulang panukalang batas upang repasuhin at higpitan ang party-list system at matiyak na ang mga kinatawan nito ay tunay na nagsisilbi sa marginalized at underrepresented sectors at makatulong sa pagsugpo ng korapsyon.

Sakaling maisabatas, makatutulong ang Senate Bill No. 1559, o ang “Party List Reform Act,” para masiguro na ang party-list system ay tunay na maglilingkod sa nakararami, magbibigay ng boses sa ordinaryong Pilipino sa Kongreso, at mababawasan, kung hindi tuluyang mabura, ang posibleng pag-abuso at korapsyon sa sistema.

Binanggit ni Aquino ang isang pag-aaral noong 2025 ng election watchdog na Kontra Daya, na natuklasan na 86 sa 156 na accredited party-list groups sa 2025 elections ay konektado sa political dynasties o malalaking korporasyon.

Sa 63 party-list groups na ipinroklama noong Mayo 19 bilang bahagi ng 20th Congress, 40 ang kabilang sa mga nabanggit sa nasabing ulat.

Nanawagan na rin ang iba’t ibang organisasyon, kabilang ang John J. Carroll Institute on Church and Social Issues (ICSI), para sa pagpapanumbalik ng dignidad sa party-list system sa pamamagitan ng pagbabalik nito sa orihinal na layunin at intensyon.

“These findings underscore an urgent and undeniable truth: the party-list system is being exploited by the powerful at the expense of those it was designed to uplift,” wika ni Aquino.

Inaatasan ng panukala ang Commission on Elections (COMELEC) na magsagawa ng public evidentiary hearings upang beripikahin kung talagang kinakatawan ng mga organisasyon ang sektor na kanilang sinasabing pinaglilingkuran. Tinitiyak din ng proseso na ang kanilang mga nominees ay tunay na galing sa mga sektor na iyon.

Ipinapanukala rin nito na palawigin ang ilang mahahalagang deadlines, kabilang ang registration period para sa mga party-list groups mula 90 hanggang 120 araw bago ang halalan at ang pagpapalabas ng certified list ng eligible organizations mula 60 hanggang 90 araw bago ang halalan.
 
Hihigpitan din ng panukala ang mga patakaran sa nominees, kung saan aatasan ang party-list groups na magsumite ng hindi bababa sa anim na nominees, na ang listahan ay dapat aprubahan ng pinakamataas na decision-making body ng organisasyon.

Hindi papayagan bilang nominees ang mga taong may kaugnayan hanggang sa ikatlong degree sa anumang kasalukuyang halal na opisyal, pati na rin ang mga indibidwal na kasalukuyan o naging government contractors, kabilang ang mga opisyal ng mga kumpanya na kasali sa pampublikong imprastruktura o iba pang proyekto na pinondohan ng estado.

“Through these reforms, this measure ensures that the party-list system truly serves the many, not the few, and empowers ordinary Filipinos to have a real say in their Congress. It is a step toward a more inclusive, accountable, and meaningful democracy and the kind of government the Filipino people deserve,” ani Aquino.  

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *