Legarda sa DPWH, MMDA: Nawawalang drainage system, hanapin; gumagana, linisin

0

Ni Ernie Reyes

Matinding kinalampag ni Senadora Loren Legarda ang pamunuan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na hanapin ang nawawalang drainage system at ang lahat nang gumagana ay linisin.

Sa pahayag, nanawagan si Legarda sa lahat ng barangay na magsagawa ng “drainage hanapin, drainage linisin” drive.

Layunin nitong matukoy at malinis ang mga kanal at daluyan ng tubig upang maiwasan ang pagbaha, sakit na dala ng lamok, at kontaminasyon ng tubig sa komunidad.

“Regalo ito ng kaligtasan para sa ating pamilya at regalo ng malasakit para sa kalikasan. Drainage hanapin, drainage linisin: gawin natin itong sama samang handog sa pagtatapos ng 2025,” pahayag ni Legarda.

Binanggit ng senadora ang datos mula sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na nagsasabing 22 bagyo na ang pumasok sa Philippine Area of Responsibility ngayong taon, at inaasahan pang may isa o dalawa bago matapos ang Disyembre.

“Bawat baha ay paalala ng ating pagkukulang. Huwag na tayong maghintay ng isa pang sakuna bago kumilos. Responsibilidad natin ito, magsimula sa barangay level,” diin ni Legarda.

Matagal nang tagapagtanggol ng kalikasan at climate action, binigyang diin ng senadora na ang baradong drainage ang pangunahing sanhi ng pagbaha, imbakan ng tubig na pinamumugaran ng lamok, at pagkalat ng mga waterborne diseases—mga problemang kayang bawasan sa pamamagitan ng simpleng, tuloy tuloy na aksyon ng komunidad.

“Dapat magtulungan ang mga lider at residente ng barangay upang i mapa ang mga kanal at daluyan ng tubig, magsagawa ng regular na clean up, mahigpit na ipatupad ang Ecological Solid Waste Management Act, at magmobilisa ng monitoring teams bago at pagkatapos ng malakas na ulan. Kailangan din ang community education campaigns para ipaalala sa bawat tahanan na ang pagtatapon ng basura sa kanal ay ilegal at delikado,” pahayag ni Legarda.

Dagdag pa ni Legarda, dapat magpatupad ang mga barangay ng epektibong praktis gaya ng pagtakda ng clean up days, pakikipag ugnayan sa mga paaralan para isama ang mga estudyante sa awareness drives, at paglalagay ng malinaw na signage sa mga daluyan ng tubig upang hadlangan ang pagtatapon ng basura. Hinihikayat din niya ang composting at recycling upang mabawasan ang dami ng basurang napupunta sa drainage systems.

Itinuro ng senadora ang ulat ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na nakapagtala ng mahigit 600 toneladang basura mula sa 71 pumping stations at binahang lugar sa Metro Manila noong Hulyo 18–22, 2025. Ayon sa awtoridad, direktang binara ng naipong basura ang mga drainage, nakasagabal sa pumping operations, at lalong nagpalala ng pagbaha.

“Pinatutunayan nito ang agarang pangangailangan ng aking panawagan. Ang barangay ang ating frontline sa disaster prevention. Walang national plan na magtatagumpay kung ang mga kanal sa komunidad ay barado ng plastik, household waste, at construction debris,” giit ni Legarda.

Bilang pangunahing may akda ng Ecological Solid Waste Management Act at Climate Change Act, muling iginiit ng senadora na ang mga batas ay nagiging epektibo lamang kapag ipinatutupad sa grassroots level. “Bawat barangay na naglilinis at nagpoprotekta ng drainage system ay ipinatutupad ang mga batas na ito sa pinaka direkta at nakapagliligtas na paraan,” dagdag niya.

Sa pagtatapos, binigyang diin ni Legarda na ang “Drainage hanapin, drainage linisin” ay dapat maging action plan sa bawat barangay at bawat tahanan—isang araw araw na gawi na pumipigil sa baha, nagpoprotekta sa kalusugan, at nagtataguyod ng mas ligtas na komunidad. 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *