Sotto kinastigo ni Cayetano sa kabiguan na protektahan ang karapatan ni Bato
Ni Ernie Reyes
Matinding kinastigo ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano si Senate President Vicente Sotto III kabilang ang administrasyon sa kabiguan nitong tiyakin na mapapangalagaan ang karapatan ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa due process.
Sa panayam, sinabi ni Cayetano na nabigo ang liderato ni Sotto na tiyakin ang karapatan ni Dela Rosa na makapaghain ng petisyon sa korte kung talagang may warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC).
“So sino sa inyo dito? Kung tingin nyo bigla kayong arestohin, bigla na lang kayo dadating sa The Hague nandito kayo sa Senate ngayon? Ang nagkulang hindi si Sen. Bato. I’m not saying tama ginagawa niya. Ang sinasabi ko, tayo, Philippine government at Senado nagkukulang,” Cayetano.

“Eh baka biglang dumating dito mag-defend ng DND budget, biglang hulihin, biglang dalhin sa Hague, wala kang kalaban laban,” giit ng lider minorya.
Sinabi ni Cayetano na bilang lider ng Senado, dapat protektahan ang karapatan ng bawat Filipino.
“That’s my personal opinion that the leadership of the Senate should always protect the rights of every single Filipino. Baka sa kanila, ang view nila pwedeng dalhin sa Hague. Ako hindi yun ang view ko,” giit ng senador mulang Taguig.
‘Never kong view, abugado ako, so never ko pwedeng maging view na inutil ang Philippine courts. Wala pa ako nakikita ang treaty o batas natin na pwedeng damputin ka na lang. Kahit dun sa mga treaties natin, may crime dito may crime doon.”
Nabigong dumalo si Dela Rosa sa nakatakdang deliberasyon ng badyet ng Department of National Defense (DND). Hindi pa nagpapakita si Dela Rosa simula noong lumutang ang warrant of arrest mula sa ICC sa kasong crimes against humanity.
Sinabi pa ni Cayetano na hindi angkop na maghain ng ethics case laban kay Dela Rosa sa kasalukuyang pangyayari.
“Lahat pwede, sampahan. Pero napaka-illogical naman na paparusahan mo siya na yung liberty at life niya ay nandoon. So para mo sinabing pwede ba i-expel yung isang bata sa school kung hindi pumapasok? Kung sinabi ng principal, yung bata na may papatay, hindi ko siya mapoprotektahan. Ikaw magulang, papayagan mo siya pumasok doon?”
“Tapos ite-threaten nila, expel, nasa records niya na expel siya. E ikaw nagsabing hindi mo mapoprotektahan. So napaka-illogical na mag-prosper yung ethics case,” giit ni Cayetano.
“Yung mag-file pwede. Lahat naman ng klasing pagfa-file pwede. Ang question, may ground ba? E ano nga yung ground? May threat siya against his liberty?,” paliwanag ng senador.
Ngunit, sinabi ni Cayetano na dapat harapin ni Dela Rosa ang lahat ng warrant pero hindi dapat walang garantiya na maigagalang ang kanyang karapatan sa ilalim ng batas.
“But I’ll make it simple, kung may lumabas na warrant of arrest against sa Senator, dapat niya harapin eh.”
“Kung may kaaway siya, whether nagse-selos na asawa, whether negosyante na nagkahiwalay sila, whether media na nagkasagutan dapat harapin niya, dapat pumasok siya. “
“Anong exception doon? Of course kung may sakit. But this is a different case. This is a case where the Senate itself, the leadership, kami lahat minority-majority should stand up for a senator and ask, is he getting the legal protection that every Filipino should do? Ang hinihingi lang ni Sen. Bato, katiyakan na kung may warrant of arrest, makakapunta muna siya sa Philippine courts. “
“So sino sa inyo ang hindi papasok pag sinabi sa inyong pag nandito kayo huhulihin kayo dadalhin na kayo sa Hague? Sino sa inyo dito pag sinabing, boss kung may papatay sa inyo, kung may humahabol sa inyo na papayag at sinabing pag nasa Senate ka walang gwardya dito o walang makikialam.”
Ibinasura din ni Cayetano ang ideya na dapat angkop kay Dela Rosa ang “no work, no pay,” dahil hindi nakadadalo ang mambabatas sa tungkulin sa Senado.
“Actually mas mahal pa nga yung… If you ask Sen. Bato, he’d rather be here every day. It’s not a choice in his case. He’d rather be here. So madaling sabihin yan, no work no pay.”
“Unang-una your work is not only here. For example, paano kung may sakit or paano kung may COVID or whatever, nag-zoom, nag-attend pa rin, taking meetings pa rin, et cetera. So I will agree with you in general. But hindi yan ang pinag-uusapan. Hindi ito no work no pay. Hindi siya makatapak dito kasi walang guarantee na hindi siya a-arestohin at i-deport sa Hague na walang say ang Philippine courts.”
“Wala kong problema kung sasabihin ng gobyerno. Hindi, pag hinuli yan pwede siya pumunta ng korte. Kami mismo sa minority, at least ako, hamonin ko siya, pumasok ka. Responsibility mo yan. “
Aniya, huli nitong nakausap si Dela Rosa bago magbakasyon ang Senado pero simula nang lumutang ang isyu sa warrant, di na sila nagkausap.
