Sotto sa naghahanap kay Bato: Maghain ng ethics case sa Senado
Ni Ernie Reyes
Walang ibang pamamaraan sa sinumang naghahanap o nagkukuwestiyon sa pagliban ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa kundi Maghain ng ethics complain sa Senado, ayon kay Senate President Vicente Sotto III.
Sa pahayag, sinabi ni Sotto na hindi gumagana ang “no work, no pay” sa sinumang mambabatas tulad ng pribadong taxpayer na kinakaltasan kapag lumiban sa trabaho dahil walang probisyon sa Saligang Batas o Senate Rules hinggil dito.
Aniya, dapat resolbahan ang attendance issue sa pamamagitan ng umiiral na proseso sa pananagutan hindi pagbali sa matagal ang ginagawa sa lehislatura.

“Walang ganong rule sa mga legislator. Siguro kung merong mga kababayan tayo na gustong panagutin ang isang legislator, mag-file sila ng ethics complaint,” ayon kay Sotto,
Sumasahod si Dela Rosa na hihigit sa P300,000 kada buwan bukod pa sa allowances committee chairmanship at iba pang gawain sa Senado.
Aniya, nakalaan na ang sahod at badyet ng tanggapan ni Dela Rosa at hindi nakadepende sa pang-araw-araw na attendance.
Maging sa Mababang Kapulungan, aniya, may ilang miyembro na matagal nang nakaliban pero hindi kinakaltasan ng sahod.
“Sa Congress nga isang buong taon, hindi pumapasok eh. Oh ito two to three weeks pa lang
aniya.
Sinabi pa ni Sotto na nananatili ang pondo at gumagana ang tanggapan ng mambabatas kahit wala sila sa kanilang opisina.
Uminit ang isyu sa hindi pagpasok ni Dela Rosa ng ilang linggo sa Senado simula nang lumutang ang banta ng warrant of arrest mulang ICC.
Nabigo si Dela Rosa na idepensa ang badyet ng Department of National Defense (DND) dahil nakaliban siya o hindi pumapasok bilang vice chairman ng finance committee kaya napilitan si Senador Sherwin Gatchalian na akuin ang kanyang tungkulin.
Samantala, sinabi naman ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano, na dapat sipatin ang sitwasyon ni Dela Rosa sa lente ng due process at personal na seguridad.
“Napakaimportante kasi is that may sistema tayo ng hustisya sa bansa… Kung ikaw, threatened ang life and liberty mo, anong options ang gagawin mo,” aniya.
Kasama si Dela Rosa sa kasong crimes against humanity na nakasampa sa International Criminal Court (ICC) bilang dating hepe ng Philippine National Police (PNP) na chief implementer ng Oplan Tokhang.
