Agricultural smuggling, banta sa pambansang seguridad – Pangilinan

Ni Ernie Reyes

Matinding nanagawan si Senador Francis “Kiko” Pangilinan sa pamamahalaan na patindihin at palakasin ang kampanya laban sa agricultural smuggling na itinuturing nitong malaking banta sa pambansang seguridad.

Sa pahayag, sinabi ni Pangilinan na dapat ituring na banta sa national security ang agricultural smuggling matapos matuklasan ang patuloy na pagpupuslit ng produktong agricultural sa bansa na direktang nakaapekto sa pambansang seguridad sa pagkain.

Ganito ang kanyang opening statement sa imbestigasyon ng  Senate Committee on Agriculture, Food, and Agrarian Reform, na kanyang pinamumunuan nitong Disyembre 3, 2025.

“Systemic ang pagpapahina ng ating seguridad sa pagkain at ng magsasaka at mangingisdang Pilipino. Gaya ng nabanggit natin sa ilang pagkakataon, food security is a national security concern and therefore, agri smuggling is a threat to our national security,” aniya.

Aniya, pinahihina o sinisira ng agricultural smuggling ang kabuhayan ng ating magsasaka at mangingisda at ginugulo ang  domestic food production systems. 

Habang ibinabala ng senador na kapag nagpatuloy ang kawalan ng pagkilos laban sa pagpupuslit ng produktong agrikultura,, humina ang kapasidad ng bansa na pakainin ang lumulobong populasyon partikular sa panahon ng krisis  at  global market volatility, kaya’t ikinalungkot ni Pangilinan ang mahinang tugon ng pamahalaan sa bantang ito.

Ipinunto ni Pangilinan ang imbestigasyon ng komite na nagbukas sa Chinese syndicate – na kumikilos na parang   Philippine Offshore Gaming Operations (POGOs)—na nasa likod ng ganitong aktibidad.

Ipinaliwanag ng mambabatas kung paano nilalagyan ng sindikatong Chinese ang mga corrupt na opisyal, ahensiya at empleyado ng pamahalaan upang makalusot sila sa pagpupuslita ng smuggled at hindi ligtas na produktong agricultural sa bansa kapalit ng kickback

“Hindi uunlad ang lokal na agrikultura, mananatiling mahal ang pagkain, mananatiling gutom ang ating mga kababayan dahil hindi makabili ng sapat at masustansyang pagkain sa gitna ng ganitong pamiminsala,” giit ng senador

Lumilitaw sa records ng pamahalaan na apat mula sa  132 agricultural smuggling-related cases mula 2021 hanggang 2025 ang naisampa sa Department of Justice (DOJ) dahil nabigo ang Bureau of Customs’ (BOC) na maghain at magbigay ng tamang dokumento. 

“Nauuwi sa kakulangan ng ebidensya, na-didismiss ang kaso. Walang napapanagot at nagpapakulong at kung meron man, walang nakukulong na financer ng daang milyong pisong halaga o hanggang bilyong pisong halaga na nasasabat na smuggled goods,” aniya.