DPWH kinastigo ni Aquino sa naitayong 60 classroom sa 2025: ‘Di katanggap-tanggap’
Ni Ernie Reyes
Tinawag ni Senator Bam Aquino na “hindi katanggap-tanggap” na 60 classrooms lang ang nakumpleto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa 2025.
Kasabay nito, muling binigyang diin ni Aquino ang kanyang panawagan para sa pagsasabatas sng Classroom-Building Acceleration Program (CAP) Act upang maresolba ang kakulangan sa classrooms sa loob ng anim na taon.
Sa period of interpellation para sa kanyang Senate Bill No. 1482, sinabi ni Aquino na hindi maganda ang naging palakad ng DPWH sa nakalipas na tatlong taon, lalo’t pinagtuunan nito ng pansin ang flood control projects habang isinantabi ang paggawa ng classroom.

“Honestly, I think it was mismanaged in the past three years. Napopondohan iyong mga flood control, iyong classroom na pinaka-basic sa ating bansa, hindi napopondohan,” sabi ni Aquino kay Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson.
“To have accomplishments of 30, 40, or 60 a year is simply unacceptable, kaya dito po tayo pupunta,” dagdag pa niya. Sa budget hearing noong Oktubre, inamin ng DPWH na 22 classrooms lamang ang kanilang nakumpleto mula sa target na 1,700 para sa 2025.
Ayon kay Aquino, makatutulong ang CAP Act upang malutas ang 165,443-classroom gap, at matugunan ang pangangailangan dahil sa nasisirang classrooms tuwing may kalamidad at ang taunang paglobo ng populasyon ng mga estudyante.
“Last time po tayo nag-privilege speech, we talked about finishing this problem in six years. We need to spend P90 billion every year for six years, with a price cap of P1.8 million per classroom,” ani Aquino, sa pagsasabing mas mura ito sa P3.5 milyon kada classroom ng DPWH.
“Roughly, that’s about 39,000 classrooms per year to finish it within six years,” dagdag pa niya.
Sa halip na DPWH lamang ang gagawa, papayagan ng CAP Act ang local government units (LGUs) at civil society organizations (CSOs) na may subok na track record na tumanggap ng pondo mula sa national government upang magtayo ng classrooms, alinsunod sa panuntunan ng Department of Education (DepEd).
“Previously, DPWH lang iyong gumagawa ng classroom, and that led to only 60 classrooms being finished for this year. So what are the different modalities? LGUs, CSOs, but LGUs will have a much bigger share,” paliwanag niya, sabay banggit na pasok din sa modality ang public-private partnership (PPP).
“Subukan natin iyan and then bantayan natin. Every year, pag nakikita natin what works, iyan ang pondohan natin,” diin pa niya.
Nilinaw din ni Aquino na hindi tuluyang mawawala ang DPWH dahil maglalaan pa rin ang DepEd ng bahagi ng budget nito sa ahensya para sa paggawa ng classroom.
“(DPWH) Secretary (Vince) Dizon has spoken to DepEd and said they want to, with a renewed effort and better systems, they want to engage again,” wika niya.
“Sabi ko naman, if they do want to engage, puwede, but we should put a price cap. Kung may price cap po tayo na P1.8 million, dapat lahat ng modality, ganun din po iyong presyo o lower,” dagdag niya.
Pinuri rin ni Aquino ang pagpasa sa P1.38-trillion education budget, ang pinakamalaki sa kasaysayan ng bansa, at tinawag itong tunay na “education budget” na tutugon sa classroom backlog at magpapalakas sa nutrisyon ng mga mag-aaral.
Gayunman, nanawagan siya sa publiko na maging mapagbantay habang isinasagawa ang bicameral conference committee upang matiyak na mananatiling buo ang pondo para sa edukasyon at hindi mauuwi sa maling paggamit o korapsyon.
“Bantayan natin ang proseso. For the first time in history, iyong bicam ila-livestream din. Ang panawagan ko, bantayan natin ang budget ng edukasyon. Siguraduhin natin walang mababawasan, siguraduhin natin na walang mapopondohan na mga proyektong alanganin,” ani Aquino.
“Bantayan natin hanggang dulo, hanggang maging batas ito, na hindi magagalaw ang perang iyan,” aniya.
