Lacson: Safeguard sa pondo ng silid-aralan, ikakasa vs korapsiyon: ‘Iwas Napoles’
Ni Ernie Reyes
Nanawagan si Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” M. Lacson sa paglalagay ng safeguard upang matiyak na ang panukalang batas na layong pabilisin ang pagpapatayo ng mga silid-aralan at paaralan ay hindi madadawit sa conflict of interest — o magbunga ng panibagong “Napoles.”
Binigyang-diin ni Lacson na bagama’t todo suporta siya na pabilisin ang pagpapatayo ng silid-aralan at school building, may ilang isyu hinggil sa lawak ng partisipasyon ng non-government organization (NGOs) at civil society organization (CSOs) na kailangan pang linawin.

“If we involve NGOs and they will actively participate in bidding, monitoring, etc., (there is the) conflict of interest. Probably (we can include a) caveat, that provided they will not monitor themselves… But I have no objection to allowing NGOs to be active partners in the school building program of the government,” ani Lacson sa kanyang interpellation Miyerkules ukol sa Senate Bill 1482 na inihain ni Sen. Bam Aquino.
Tinukoy niya na sa ilalim ng Government Procurement Act of 2024 (RA 12009), limitado ang partisipasyon ng NGO — kung saan maaaring pumasok sa kasunduan ang procuring entity sa isang NGO “when an appropriation law or ordinance earmarks an amount to be specifically contracted out to NGOs.”
Gayundin, nililimitahan ng RA 12009 ang papel ng CSO at people’s organizations bilang observers lamang sa buong procurement process upang maiwasan ang conflict of interest.
“There goes the problem. Kasi kung i-involve natin ang CSOs sa construction ng building, one way or another, indirectly or directly, at na-interchange ang definition ng NGO and CSO, baka ma-Napoles tayo dito. How do we resolve this issue,” babala ni Lacson.
Tumutukoy si Lacson sa pork barrel scam noong 2010s kung saan gumamit si Janet Lim-Napoles ng mga pekeng NGOs para ilihis ang bilyong pisong pondo ng gobyerno.
Humingi rin si Lacson ng paglilinaw tungkol sa status ng P54.883 bilyon na natira sa P91.279-bilyong Basic Education Facilities Fund (BEFF) mula 2022 hanggang 2025, dahil P36 bilyon pa lamang ang nagastos para sa 7,172 natapos at 4,962 kasalukuyang ginagawa na mga silid-aralan sa panahong iyon.
Kabilang sa mga saklaw ng BEFF ang pagtatayo, pagkukumpuni at rehabilitasyon ng mga gusali ng paaralan; gayundin ang mga kagamitan at utilities tulad ng suplay ng tubig at kuryente.
Sa kanyang tugon, sinabi ni Aquino na tanging ang DPWH lamang ang pinapayagang magtayo ng silid-aralan mula 2022 hanggang 2025 — dahilan kung bakit layon ng panukalang batas niyang alisin ang responsibilidad na ito mula sa DPWH at payagan ang LGUs at kwalipikadong NGOs na tumanggap ng proyekto. Dagdag niya, maaari pang i-realign ang pondo para sa 2025, ngunit kailangang tingnan ang status ng 2022–2024 funds.
Ibinahagi rin ni Aquino na kung P3.5 milyon ang standard cost ng DPWH sa isang classroom, kaya naman ng LGUs na magtayo sa halagang P1.5 milyon hanggang P2 milyon, habang ang CSOs ay nakapagtatayo sa P800,000 hanggang P1.3 milyon.
