PAGSIKIL SA KRITIKO, AT PAGKUBLI SA MAY SALA: ‘MAHIYA NAMAN KAYO?’

kspho

KSPHO ni Darwell Baldos

Ang pagsuspinde kay Congressman Kiko Barzaga ng Kamara de Representantes ay isang makabuluhan at nakababahalang pangyayari na nagdudulot ng seryosong katanungan tungkol sa integridad ng institusyon at sa tunay na diwa ng demokratikong representasyon.

Ang paraan ng pagkahalal sa isang District Congressman ay pagpapatunay lamang na mas nakakarami sa kanyang nasasakupan ang nagtiwala sa kanya at sa kanyang kakayanang maging boses sa kongreso, maliban dun sa nakaupo dahil sa 2nd placer rule (Atras tayo). Ang mandato nito ay irepresenta ang kanyang Distrito sa pagbuo ng batas sa lower house, kasama narin ang pagtuligsa sa umiiral na malawakang korapsyon na syang ginawa naman ni Barzaga.

Ngayon, ang mabilis na pagkilos ng Komite sa Etika na nagsuspinde kay Barzaga, ayon sa marami, ay tila isang sistematikong pagpapatahimik sa isang kritikal na tinig. Ito ay lumilikha ng isang mapanganib na paralelismo: na tila mas mabilis ang aksyon laban sa isang nangungunang kritiko kaysa sa mga seryosong alegasyon ng malawakang katiwalian na kinasasangkutan ng mabibigat na proyekto gaya ng mga flood control, kung saan maraming kongresista ang mga naisa-publikong sangkot.

Ang tanong ng KSPHO “Bakit si Barzaga?” at ito rin nag-iinit sa isip ng marami. Ito ba ay dahil sa direkta at epektibo na pambatikos niya, na kanyang ikinumentong “meow-meow” sa mga kapwa mambabatas? Kung ganon, ang suspensyon ay isang malinaw na mensahe sa lahat: Sistematiko na ang korapsyon at ang mga tutol rito ay painatatahimik?

Hindi natin personal na kilala si Barzaga at hindi rin nating sinasabing tama sya sa kanyang mga maling nagawa, Ang tinutuligsa natin ay bakit sya lang? Gayunpaman, ipinapakita ng 246-5-11 na boto ang kapansin-pansing kawalan ng pagbabalanse ng mga nasa Kamara. Kung ang prinsipyo ng pagpapanagot ay tunay na umiiral, dapat na ang mga malalaking eskandalo na sangkot ang mga tinaguriang “cong-tractors” at ang mga napakaraming Kongresista na pinangalanan ng kontrobersyal na pamilya Discaya ang unang-unang dapat pinagtutuunan ng pansin hindi si Barzaga.

May mga kasamahan sila dyan sa Kongreso na dawit sa anomalya ay inimbistigahan na! Sa halip na sampahan ng Ethics Complaint ano ang ginawa? Ipinasa ang imbestigasyon mula sa Infra-Com patungo sa ICI at di nagtagal ipinasa rin sa Ombudsman. Nagpapahiwatig na ginagawang isang laro ng “hot potato”, ang pagpapanagot sa mga tunay na kawatan. Ito ang nag-iiwan sa publikong naguguluhan sa tanong na kung may makakamit pa ba na katarungan? Sabi nga ng batang mambabatas mula sa Batangas “MAHIYA NAMAN KAYO!”.

Noong Lunes nanawagan si Speaker Bojie Dy III ng pagkakaisa upang maibalik ang tiwala ng publiko sa Kamara de Representantes. Apo Speaker ito ba yung pagkakaisa nay un? Ang pagkaisahang sikilin ang kalayaang magpahayag at tumuligsa ng isang batang kongresista? Kung ito nga po yun, ay binabasag po mismo ng mga aksyon ng institusyong iyong pinamumunuan ang adhikain mong maibalik ang tiwala ng publiko sa mababang kapulungan.

Sa ating munting kaalaman ang tunay na pagkakaisa ay hindi nabubuo sa pagsasara ng hanay laban sa isang kritiko, kundi sa kolektibong pagharap sa mga sistemang wasak. Ang pagpapakita ng pagkakaisa sa pamamagitan ng pagsikil sa malayang pananalita ay isang trahedya sa demokrasya.

Kung nais ng Kamara na mapanumbalik ang tiwala, dapat magsimula ito sa pagpapatupad ng pantay at walang pinipiling pamantayan. Ang pagpapanagot ay dapat magsimula sa pinakamataas at pinakamakapangyarihang nasasangkot sa mga kaso ng korapsyon, hindi sa isa sa mga kritiko nito.

Ang suspensyon kay Barzaga ay hindi lamang tungkol sa isang indibidwal; ito ay isang pagsubok sa karakter ng buong Kongreso. Ang pagpili nito na ipagtanggol ang prinsipyo sa halip na ang personalidad ang magsasabi kung ito ay isang institusyon na karapat-dapat sa tiwala ng taumbayan, o isang kuta na nangangalaga sa sarili nitong interes.