Pagbutata ng SC decision kay Recto sa paglilipat ng P60B pondo ng PhilHealth, ikinatuwa ni Hontiveros: ‘Malinaw na illegal’

Ni Ernie Reyes

Matinding ikinatuwa ni Senador Risa Hontiveros ang desisyon ng Korte Suprema na ibalik ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang P60 bilyon na illegal na inilipat ni dating Finance Secretary, ngayon Executive Secretary Ralph Recto.

Matatandaan na inilipat  ni Recto bilang finance secretary ang pera ng PhilHealth sa National Treasury upang magamit sa ibang proyekto na walang klarong paliwanag kahit labag sa Saligang Batas.

“Malinaw ang desisyon ng Korte Suprema: Labag sa Konstitusyon ang ginawang paglipat ng reserve funds ng PhilHealth.”

Dahil dito, taus-pusong nagpasalamat si Hontiveros sa Supreme Court sa pagkiling sa mamamayan kaysa sa kapritso ni Recto sa paghahanap ng pondo at ilipat sa ilang proyekto na ninanakaw lang ng pulitiko.

“Nagpapasalamat ako sa Korte Suprema sa pagtutuwid sa malaking pagkakamali ng gobyerno dito. Dahil sa desisyong ito, masisigurado ng ating mga institusyon na mapagsisilbihan natin ang lahat ng Pilipino, ayon na rin sa mithiin ng universal health care” giit ng senadora.

Bago pa man magdesisyon ang Korte, giit pa ng senador na naglagak na ang Kongreso ng P60 billion para sa PhilHealth. Pero kailangang malinaw na hindi ito augmentation, ito ay pondong binalik sa PhilHealth. Hindi ito dagdag na pondo.

“As we enact the 2026 budget, hindi pwedeng mawala ang ibinalik na P60 billion sa PhilHealth, at patuloy nating singilin ang P53 billion pa na utang ng gobyerno na hindi nito binigay bilang subsidyo sa taong 2025,” paliwanag ng senador.

“Bilang mga lingkod-bayan, obligasyon nating siguraduhing masusulit ang bawat piso mula sa buwis ng taumbayan. Patuloy nating protektahan ang kaban ng bayan tungo sa abot-kaya at dekalidad na serbisyong pangkalusugan para sa lahat,’ dagdag ng senador.