Suporta sa SPED students, palalakasin ni Bam: “Gagawing prayoridad’

Ni Ernie Reyes

Nanawagan si Senator Bam Aquino na bigyang-prayoridad at palakasin ang suporta para sa children with disabilities, partikular na ang mga estudyante sa pampublikong paaralan na may espesyal na pangangailangan, sa pagsasabing kailangang masiguro ng gobyerno na natutugunan nang maayos ang kanilang pangangailangan.

Inihayag ito ni Aquino bilang suporta kay Sen. Raffy Tulfo, na binigyang-diin ang kakulangan ng tulong ng gobyerno para sa mga batang may kapansanan, mga estudyanteng may special needs, at kanilang mga pamilya.

Bilang chairperson ng Committee on Basic Education, sinabi ni Aquino na makikipagtulungan siya kay Tulfo upang makahanap ng mga solusyon sa mga isyung kinahaharap ng mga batang may kapansanan at estudyanteng may special needs.

“Nararapat po itong ma-raise and we will work hand-in-hand with the good senator (Tulfo), as soon as we can reconvene our committee, pagdating sa mga children with special needs at mga estudyanteng may special needs,” ani Aquino.

“Puwede po tayong magtulungan para mabigyan ng solusyon ang problema nito at makahanap po tayo ng solusyon para sa mga pamilya nila,” dagdag pa niya.

Tinukoy ng Senador ang EDCOM 2 report, na nagsasaad na isa sa bawat limang estudyante ay may kapansanan o espesyal na pangangailangang na dapat mabigyan ng angkop na atensyon.

Gayunman, sinabi ni Aquino na kulang pa rin ang pasilidad, pondo, at iba pang kinakailangang resources ng gobyerno upang sapat na masuportahan ang mga batang ito at kanilang mga pamilya.

“Kung ikukumpara po natin ang pondo, ang imprastruktura, at ang kakayanan na matulungan ang mga kabataang may special needs, kung ikukumpara po sa nakalaang budget ay malayo po talaga. Hindi sapat ang facilities na binibigay ng gobyerno,” diin ni Aquino.

“Iyong iba po walang pambayad at nakaasa lang po talaga sa government facilities at kulang. Iyong mga gusto naman po magbayad, wala rin naman po mapuntahan,” dagdag pa niya.