Anti-Dynasty Bill, inendorso ni Lapid: ‘Putulin siklo ng dinastiya sa pulitika’
Ni Ernie Reyes
NAKIISA si Senator Lito Lapid sa isinusulong ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr. na pagtibayin ang panukalang anti-dynasty law, na magbubukas ng bagong pintuan ng politika para sa kabataang nagnanais maging lider ngunit matagal nang natatabunan ng makapangyarihang pamilya.
Sa pahayag, sinabi ni Lapid na kailangan nang bigyan ng pagkakataon ang susunod na henerasyon ng pagkakataon na makapagsilibi sa bayan.

“Boboto ako diyan. Kailangan nating bigyan ng totoong pagkakataon ang kabataan sa paglilingkod-bayan,” sabi ni Lapid noong Miyerkules saka binanggit na marami sa mga may kakayahang kabataan ang nasisiraan ng loob na tumakbo dahil kulang sila sa resources at suporta.
“Bigyan natin sila ng tsansa.”
Inamin ni Lapid, na naglilingkod na sa ika-apat na termino sa Senado mula 2004, na mahirap na laban ang kakaharapin ng panukalang ito.
Marami umanong kasalukuyang nakaupong mga mambabatas ang inaasahang tututol sa anumang batas na maaaring makagambala sa matagal nang naghahari at kontrolado ng mga political clan.
“Alam na natin na malakas ang magiging pagtutol. Hindi ko alam kung papasa ito—pero umaasa akong papasa para sa ating bansa,” sabi niya.
Nang tanungin tungkol sa mga kasamahan niyang galing sa mga pamilyang politikal, iginiit ni Lapid na hindi dapat gawing dahilan ang pag-iral ng mga dinastiya para hadlangan ang iba na pumasok sa politika.
“Suportado ko ang anti-political dynasty bill hindi dahil nasa huling termino ko na ito,” paglilinaw niya.
“May mga anak at apo ako na maaaring pumasok sa politika, pero ang batas ay batas. Kung ano ang hinihingi nito, susundin natin.”
Sa ilalim ng Saligang Batas, kinakailangan ng batas mula sa Kongreso upang ipagbawal ang political dynasty sa bansa.
Ito ang unang pagkakataon na naging priority bill ng isang pangulo ang anti-dynasty bill.
