Pangilinan nababahala sa nakakapuslit na bulok na pagkain sa Customs

Ni Ernie Reyes

Lubhang ikinabahala ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan ang pagpupuslit ng bulok na pagkain sa Bureau of Customs (BOC)  mulang China na ibinebenta sa ilang lokal na restoran, partikular sa Pasay City na mapanganib sa kalusugan ng mamamayan.

Inihayag ito ni Pangilinan matapos aminin ng ilang hinihinalang Chinese smuggler na si Chaoqun Shi na umupa ang ilang bodega na natuklasang naglalaman ng P100 milyong halaga ng puslit na frozen meat products sa ginanap na pagdinig ng Senate committee on agriculture, agrarian reform and foods.

Ayon sa suspek, nagsusuplay siya ng puslit na nabubulok na karne sa ilang restoran sa Pasay City na ipinasara na umano ng pamahalaan.


 “Nakakalungkot dahil ito ay pagkain. Inamin nung isang Chinese suspected smuggler na nakakulong ngayon binebenta nya yung mga produkto nya sa mga restaurants diyan daw sa area ng Pasay at yung mga nakumpiskang produkto nila is sinabi ng DA (Department of Agriculture) unfit for human consumption,” ayon sa senador.

Pinangunahan ni Pangilinan ang imbestigasyon sa puslit na produktong agricultural sa bansa na lubhang nakababala dahil baka nakapasok na ang mga bulok na karne sa lokal na pamilihan.


 “So, pati sa mga palengke hindi na ako magtataka kung may mga nakakalusot nitong mga produktong ito kung meron salmonella, meron e. coli,” aniya. 

Aniya, lubhang nakakaapekto din ito sa lokal na produksiyon ng pagkain sanhi ng pagpasok ng puslit na produktong agrikultura na nabibili sa mas Mababang halaga.


“Ang dahilan kung bakit mura dahil yung binibili nila doon sa China eh patapon na dapat. Bibilhin nila ng mura dahil patapon na—ang tawag doon salvage value—dadalhin dito, ilulublob sa formalin,” aniya.